Muling magbabalik ang Komisyon sa mga Filipino sa Ibayong Dagat o Commission on Filipinos Overseas (CFO) sa pakikipag-ugnayan sa ating mga kababayang Pilipino sa Japan sa pamamagitan ng 2025 CFO Ugnayan Series, katuwang ang Pasuguan ng Pilipinas sa Tokyo at ang mga Konsulado sa Nagoya at Osaka.
Gaganapin ang mga pagtitipon sa mga sumusunod na petsa at lugar:
📍 Nagoya – Nobyembre 10, 2025
📍 Tokyo – Nobyembre 21, 2025
📍 Osaka – Disyembre 2, 2025
Ang Ugnayan ay serye ng mga pagtitipon at konsultasyon kasama ang mga lider at organisasyong Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo upang palakasin ang ugnayan at kooperasyon ng CFO sa mga Overseas Filipinos. Layunin nitong ipakilala ang mga programa at serbisyo ng Komisyon, itaguyod ang pinansyal na kalayaan ng mga Pilipino sa ibayong dagat, at palawakin ang mga support network ng ating mga kababayan.
Magkakaroon din ng mobile registration para sa mga Pilipinong nabigyan ng long-term o permanent residency status sa Japan — isang mahalagang hakbang upang maitala sa Komisyon at makatanggap ng digital certificate.
Kabilang din sa mga aktibidad ang financial literacy sessions at libreng legal consultation (para sa mga kalahok sa Tokyo at Osaka), na layuning magbigay-gabay sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Japan.
Bilang bahagi ng programa, magsasagawa rin ang CFO team ng home visits at focus group discussions upang higit na maunawaan ang karanasan, pangangailangan, at hamon ng mga Pilipinong imigrante at marriage migrants. Layunin nitong alamin ang kanilang kalagayan, kakayahang makibagay sa komunidad, at tukuyin ang mga paraan upang mapahusay pa ang mga programang suporta at ugnayan sa mga lokal na katuwang.
Ayon sa CFO, ang Ugnayan ay patunay ng kanilang mandato at dedikasyon na palakasin ang ugnayan sa mga komunidad ng mga Pilipino sa ibang bansa at maghatid ng mga programang tumutugon sa kapakanan, kagalingan, at patuloy na pag-unlad ng bawat Pilipino saan mang sulok ng mundo.
Para makibahagi at magparehistro sa alinman sa mga Ugnayan events, maaaring bisitahin ang link: https://forms.gle/KMKzVWGL2Zc9kt5x5 o i-scan ang QR code na nakasaad sa anunsyo.












