Tumaas ang bilang ng mga drug-cleared barangay sa lalawigan ng Bulacan.
Ito ang iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa ginanap na pulong ng Provincial Peace and Order, Provincial Anti-Drug Abuse Council at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Sinabi ni PDEA Agent Marie Fe Manto na mula sa 294 na barangay noong unang quarter ng taon ay nasa 319 na ang naideklara ng drug-cleared ngayong second quarter.
Katumbas ito ng 56.06 porsyento mula sa 569 na kabuuang barangay sa buong probinsya.
Sa 319 na deklaradong barangay, 35 rito ay nasa kategoryang slightly affected, 274 ay moderately affected, tatlo ang seriously affected at pito ang nanatiling unaffected.
Target umano nila na maideklarang drug-cleared ang natitira pang 250 barangay sa pagtatapos ng 2023.
Maituturing na drug-cleared ang isang barangay kung ito ay mayroong functional na Barangay Anti-Illegal Drug Abuse Council, non-availability ng suplay ng droga, may drug awareness campaign, at may voluntary and compulsory drug treatment and rehabilitation processing desk.
Dadaan ito sa pagsusuri ng Regional Oversight Committee bago makamit ang naturang deklarasyon.
May 12 barangay pa ang sasailalim sa deliberasyon ngayong buwan para sa pagiging drug-cleared.
Samantala, iniulat din ng PDEA na nasa 40,192 drug personalities ang kanilang binibigyan ng mga intervention upang muling makabalik sa normal na buhay,
Kabilang rito ang pag-enroll sa mga treatment at rehabilitation center, pagpasok sa mga Balay Silangan, pag-graduate sa Community Based Drug Rehabilitation Program, at general intervention.
Kasama rin sa nasabing bilang ang mga nalipat sa ibang tirahan, hindi na ma-locate, naaresto at namatay na.
Patuloy naman ang kanilang mahigpit na monitoring sa mga lungsod ng Malolos, San Jose del Monte, Baliwag at Meycauayan at bayan ng Marilao, Bocaue na itinuturing na areas of concerns o hotspots. (PIA 3)