Pinamamadali ng Department of Transportation (DOTr) ang pagtatayo ng mahigit 16,725 housing units para sa mga pamilyang maaapektuhan ng konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking may maayos at ligtas na malilipatang komunidad ang mga maaapektuhang residente.






Ayon kay Transportation Secretary Vince “Banoy” Lopez, kabilang sa prayoridad ng ahensya ang agarang pagtatapos ng mga relocation site para sa mga pamilyang maaapektuhan ng 147-kilometrong NSCR project.
Bukod sa pabahay, pinopondohan din ng DOTr ang kompensasyon at mga programang pangkabuhayan para sa mga pamilyang ililipat upang matiyak ang mas maayos na paglipat at panibagong pagsisimula sa kanilang bagong komunidad.


Kamakailan, nagsagawa ang DOTr ng pilot turnover ng 80 housing units sa ilalim ng The Meadows Housing Project sa Barangay Langkiwa, Biñan, Laguna sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan. Nauna nang naipamahagi ang 170 housing units sa mga benepisyaryo sa relocation site sa San Fernando, Pampanga. Inaasahan pa ang mga susunod na turnover ng mga bahay sa mga darating na buwan.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Right-of-Way and Site Acquisition (ROWSA) IC Calaguas, ang pamamahagi ng mga housing units ay simula pa lamang ng serye ng pagtatapos ng mga relocation community na layong magbigay ng mas maayos at ligtas na tirahan sa mga benepisyaryo.
Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan ng Biñan sa DOTr at iba pang partner agencies sa pagpapatupad ng mga proyektong pabahay na makikinabang ang libo-libong pamilya.
Bukod sa The Meadows na may 2,030 housing units sa 26 na gusali, tinatapos din ng DOTr, katuwang ang mga LGU at partner agencies, ang iba pang relocation sites kabilang ang Sining Residence II (1,920 units), Sining Residence I (528 units), Rizal Ville (2,130 units), at relocation site sa Naic, Cavite na may 5,452 units.
Para naman sa northern segment ng NSCR, katuwang ng DOTr ang National Housing Authority (NHA) sa pagpapatayo ng tatlong relocation sites sa Pampanga.
Target ng ahensya na mailipat ang 4,515 informal settler families mula sa Angeles City at San Fernando City sa Pampanga, at sa Calumpit, Bulacan.
Ang NSCR ay isa sa mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan na naglalayong mapabuti ang mass transportation system sa Luzon, mapabilis ang biyahe, at mabawasan ang trapiko, kasabay ng pagtiyak na may maayos na tirahan ang mga pamilyang maaapektuhan ng proyekto.












