Pormal nang binuksan ang Farmer Field School (FFS) on Rice and Rice-Based Farming System sa Barangay Batang-Batang, Tarlac City na naglalayong mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya at wastong pamamaraan sa pagsasaka ng palay.
Pinangunahan ang pagbubukas ng programa ni Ronald Allan M. Reyes, Acting City Agriculturist ng Tarlac City, kasama ang Training Management Team mula sa hanay ng mga Agricultural Extension Workers na sina Rolly Gonzales, Joel Transfiguracion, Lorraine Javier, at Christina Domingo.






Layunin ng Farmer’s Field School na mapataas ang ani at produktibidad ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman sa modernong teknolohiya at mga epektibong pamamaraan sa rice at rice-based farming system.
Nagpaabot din ng kanilang suporta ang mga panauhing sina Susana G. Castillo, Punong Barangay ng Batang-Batang; Melchisedech Valdez, Provincial Agricultural Extension Worker mula sa Office of the Provincial Agriculturist of Tarlac; Romy Lagmay, Barangay Kagawad at Tagapangulo ng Komite sa Agrikultura; at Michael C. Mabato, Chairman ng Makabagong Magsasaka Agricultural Cooperative.
Isinasagawa ang programang ito sa ilalim ng pamumuno at buong suporta ni Mayor Susan A. Yap, na patuloy na nagsusulong ng mga programang magpapaunlad sa sektor ng agrikultura at magbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga magsasaka sa lalawigan.












