Nagsimula na sa Pampanga ang tatlong araw na Kalinga ni Nanay Surgical and Medical Mission na inilunsad ng Nanay Partylist katuwang ang Makati Medical Center Foundation noong Miyerkules, Pebrero 18, 2026.
Isinagawa ang programa sa OFW Hospital sa City of San Fernando, kung saan personal na ipinakita ni Florabel Yatco ang mga pasilidad at kasalukuyang operasyon ng medical mission kina Liza Araneta-Marcos, Lilia Pineda, at Dennis Pineda.



Layunin ng tatlong araw na misyon, katuwang ang mga volunteer doctors, na matulungan ang 1,141 pasyenteng matagal nang nangangailangan ng serbisyong medikal ngunit kapos sa kakayahang pinansyal. Sa kabuuang bilang, 131 ang sasailalim sa major operations, 392 sa minor operations, 327 ang makikinabang sa eye check-ups at libreng salamin, at 292 ang mabibigyan ng dental services.
Natukoy ang mga benepisyaryo sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga, mga Nanay Community Workers, at Executive Assistant IV Angelina Blanco, at sumailalim sa initial assessment at clearance bago ang operasyon.
Bukod sa serbisyong medikal, may kasama ring libreng post-operative medicines at hygiene kits upang matiyak ang tuloy-tuloy na paggaling ng mga pasyente. Nagpasalamat si Gov. Pineda sa patuloy na tulong medikal na naihatid sa mga Kapampangan.
Nagpakita rin ng suporta sa programa sina Teodoro Herbosa, Hans Leo Cacdac, Patricia Yvonne Caunan, at iba pang lokal na opisyal.












