Muling tumaas ang presyo ng mga sili—kabilang ang labuyo, pansigang, at bell pepper—na iniuugnay sa kakulangan ng suplay tuwing panahon ng tag-ulan.
Ayon kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan, mahigit ₱2 bilyon ang inilaan sa panukalang 2026 national budget para sa pagpapalakas ng produksyon ng high-value crops tulad ng sili. Sinabi ng senador na suportado niya ang mga hakbang ng Kagawaran ng Agrikultura upang mapababa ang presyo ng nasabing pananim.
Kabilang sa mga iminungkahing solusyon ang pagpapalawak ng pagtatanim ng sili sa iba’t ibang rehiyon at hindi lamang sa Bicol, paggamit ng greenhouse at maayos na imbakan upang mabawasan ang pinsala dulot ng bagyo, at tamang tiyempo ng pagtatanim at pag-aani.
Binigyang-diin din ni Pangilinan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng wasto at makabuluhang datos upang maagapan ang kakulangan ng suplay at maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo.
Aniya, maaaring mapatatag ang presyo ng mga pangunahing pagkain sa pamamagitan ng mas maayos na pagpaplano sa produksyon, binhi, at imprastruktura, gayundin ang regular na pagbibigay ng impormasyon sa publiko hinggil sa suplay at presyo ng mga produktong agrikultura.












