from Bataan Governor Joet Garcia
Maaari na pong ipanatag ng ating mga kababayan ang kanilang kalooban kaugnay sa kumalat na bomb threat sa ating probinsya sa araw na ito, ika-12 ng Pebrero, 2024.
Negatibo po sa bomba ang resulta ng masusing pag-imbestiga ng mga kinauukulan sa mga pampublikong tanggapan at paaralan na umanoy target ng mga nagpakalat ng masamang banta sa ating Lalawigan. Ayon po sa Bataan Police Provincial Office, negatibo sa bomba ang The Bunker, mga paaralan sa ibaβt ibang bahagi ng probinsya at iba pang establisimyento na ininspeksyon.
Nilinaw din po nila na ang kumakalat na screenshot ng isang email mula sa isang nagngangalang Takahiro Karasawa ay naipakalat na rin sa ibang probinsya at ibang bansa nitong mga nakaraang taon. Ito po ay napatunayang hoax. Pinabubulaanan din po ng mga awtoridad ang kumakalat na video sa social media na may natagpuang bomba sa Culis, Hermosa.
Habang patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng hoax bomb threat ay pinaaalalahanan pa rin natin ang lahat na mag-ingat. Maging alerto sa lahat ng pagkakataon at suriing mabuti ang mga nababasa online upang maiwasan ang pagpa-panic.