Nag-install ang Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng karagdagang at bagong malalaking chiller sa arrival area ng Davao International Airport (DIA) upang masiguro ang mas malamig at mas komportableng biyahe ng mga pasahero.
Matatandaang personal na ininspeksyon ni DOTr Secretary Giovanni Lopez ang paliparan noong Oktubre ng nakaraang taon matapos mapansin ang init sa loob ng terminal bunsod ng pagkasira ng isa sa mga chiller. Agad niyang ipinag-utos ang pagdaragdag ng mga chiller upang maiwasan ang abalang dulot ng kakulangan sa air conditioning.






Ayon kay Secretary Lopez, mahalagang may nakaantabay na reserbang chiller sa mga paliparan upang masiguro ang tuloy-tuloy na maayos na air conditioning sakaling masira ang isa sa mga ito, at hindi maapektuhan ang kaginhawaan ng mga pasahero.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na tiyaking maayos, ligtas, at komportable ang mga pasilidad sa lahat ng paliparan sa bansa.
Bilang bahagi ng patuloy na expansion at rehabilitation ng passenger terminal building ng DIA, tatlong bagong malalaking chiller ang inilaan upang mapahusay ang air conditioning capacity ng paliparan.
“Malaking tulong itong tatlong bagong chiller sa air conditioning capacity ng Davao International Airport. Nais din nating pagandahin ang iba pang mga paliparan sa bansa. Ang pokus natin ay ang direktiba ng Pangulo na siguruhing mas maayos at komportable ang biyahe ng mga pasahero,” pahayag ni Secretary Lopez.












