Sa pagdiriwang ng Hearts and Arts Month, ipinapakita ng Angeles City na ang tunay na pag-ibig ay higit pa sa mga regalo at bulaklak – ito ay nararamdaman, nauunawaan, at naipapakita sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon.
Sa Bahay Pag-Asa Angeles City, isang natatanging proyekto ang “Bulaklak ng Pag-Asa” kung saan ang mga Children in Conflict with the Law (CICL) ay natututo ng paggawa ng satin ribbon flowers. Hindi lamang ito simpleng bouquet; ito ay kwento ng pagbabago, pagbangon mula sa pagkakamali, at panibagong simula para sa kabataan.






Para kay Riez, isang kalahok sa proyekto, ang paggawa ng bulaklak ay paglalakbay ng paghilom at pagkatuto. “Hindi po agad madali. Pero tinuruan po kami, ginabayan, at hindi po kami pinabayaan,” ani Riez. Dagdag pa niya, ang Bulaklak ng Pag-Asa ay para sa kanya ay “second chance”, isang pagkakataon na muling makapagsimula at makapagtiwala sa sarili.
Ayon kay Mr. Jay Delos Santos, RSW ng Bahay Pag-Asa, ang proyekto ay nakatuon sa rehabilitasyon at reintegrasyon ng mga kabataan sa komunidad. Sa bawat bulaklak na kanilang ginagawa, natututo silang magtiyaga, magpursigi, at magdisiplina – kasanayang magagamit sa kanilang hinaharap.
Bukod sa kasanayan, nagkakaroon din ng pagkakataong makapag-ipon at makapagbigay sa pamilya. Noong nakaraang Pasko, ilan sa mga CICL ang nakapagbahagi ng kinita sa kanilang mga magulang – patunay ng disiplina at pagpapahalaga sa pinaghirapan.



Ang Bulaklak ng Pag-Asa ay simbolo rin ng komunidad na naniniwala at sumusuporta sa kabataan. Sa bawat pagbili ng kanilang gawa, hindi lamang negosyo ang napapalakas – mga buhay ang nabibigyan ng direksyon at pag-asa.
Ngayong Valentine’s at sa iba pang espesyal na okasyon, puwede ring pumili ng regalo na may puso at layunin. Ang Bulaklak ng Pag-Asa ay:
🌸 Regalong hindi kumukupas
🌸 Simbolo ng pagbabago
🌸 Pag-asang patuloy na namumulaklak
Para sa orders o karagdagang impormasyon:
Facebook: Karlo Manaloto – Bahay Pag-Asa Angeles City
👉 Message here: (https://www.facebook.com/share/1GS4Ve3sEC/?mibextid=wwXIfr)
Sama-sama nating patunayan na ang batang nagkamali ay kayang magsimula muli.












