LUNGSOD NG BALIWAG, Bulacan — Sasampahan ng kasong economic sabotage ang mga nasa likod ng ₱55.7-milyong proyektong kontra baha sa Barangay Piel na lumabas na isa lamang umanong “guni-guni.”
Personal na tinungo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lugar at napatunayan na walang naipatupad na dike o river wall, taliwas sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na “tapos na” ang proyekto.

“Falsification na ito dahil nagreport sila na completed, kitang-kita naman na hindi completed. So immediately that’s falsification. That’s already a big violation. For the big one, talagang ang thinking is very hard. Kailangan natin silang i-economic sabotage,” ayon kay Marcos.
Walang nakitang kahit isang sako ng semento o bakal na ginamit, ngunit nabayaran na ang proyekto mula sa 2025 National Budget. Giit ng Pangulo, sisiguruhin niyang maipatupad nang tama ang proyekto upang masagip sa pagbaha ang mga residente at sakahan sa hangganan ng Baliwag at San Luis, Pampanga.
Ang inspeksyon sa Baliwag ay kasunod ng biglaang pagbisita ng Pangulo sa Calumpit kung saan nadiskubre rin ang isa pang proyektong kontra baha na hindi natapos ngunit idineklarang kumpleto na.
Ayon kay Marcos, patunay ang mga pagbisitang ito na seryoso ang kanyang administrasyon sa paghahabol sa mga nagsamantala sa pondo ng bayan at sa paghahatid ng dekalidad na imprastraktura para sa mamamayan.












