Muling pinaalalahanan ng Public Transportation and Regulatory Office (PTRO) ang mga commuter at residente ng Angeles City na manatiling mapagmatyag at makiisa sa pagpapanatili ng maayos, ligtas, at patas na serbisyo sa pampublikong transportasyon.
Ito ay kasunod ng isang ulat hinggil sa umano’y ‘overcharging’* sa pamasahe ng isang tricycle. Ayon sa PTRO, agad nilang inimbestigahan ang insidente at napag-alamang sinubukan lamang ng driver na maningil ng ₱200, subalit ang tamang pamasahe ay ₱140 na siya ring sinunod at binayaran ng pasahero. Dahil dito, walang naganap na aktuwal na overcharging.
Gayunman, sinabi ng PTRO na pinayuhan pa rin ang tricycle driver na mahigpit na sundin ang itinakdang fare matrix upang maiwasan ang kahalintulad na sitwasyon sa hinaharap.
Hinimok ng ahensya ang lahat ng Angeleños na agad i-report ang anumang paglabag at maging katuwang ng pamahalaang lungsod sa pagpapatupad ng disiplina sa kalsada at maayos na sistema ng transportasyon.
Binigyang-diin ng PTRO na mahalaga ang kooperasyon ng publiko upang matiyak na bawat pasahero ay nakatatanggap ng tamang serbisyo at bawat driver ay sumusunod sa umiiral na mga patakaran.
Para sa mga ulat at reklamo, maaaring makipag-ugnayan sa opisyal na Facebook page ng PTRO Angeles City.












