Pormal nang inilunsad ng Kapitolyo ang apat na taon na paghahanda para sa pagdiriwang ng Ika-450 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan bilang isang Lalawigan sa Agosto 15, 2028.
Hudyat nito ang pormal na paglulunsad sa opisyal na logo ng tinaguriang “Bulacan 450” na pinangunahan nina National Historical Commission of the Philippines Executive Director Carminda Arevalo at Gobernador Daniel Fernando sa harapan ng gusali ng Kapitolyo sa katatapos na pagdiriwang ng Ika-446 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag.
Nagsilbing panauhing pandangal si House Deputy Speaker at Las Piñas Lone District Representative Camille Villar na nagsabing ang naabot ng Bulacan sa 446 taong pag-iral ay resulta ng sama-samang pagsisikap ng maraming mga Bulakenyo at mga epektibong lider na nagbigay ng maliwanag na direksiyon para sa lalawigan.
Hinikayat din niya ang mga Bulakenyo na ipagpatuloy ang lalong pag-unlad at pag-asenso ng kabuhayan upang lalong magkaroon ng dahilan at pagkakataon na magkaroon ng mga pagdiriwang gaya nito.
Sa susunod na apat na taon bilang bahagi ng mga paghahanda, magkakaroon ng malawakang pagtatanim ng nasa 10,000 puno ng bulak. Isa ito sa pinanggalingan ng pangalan ng Bulacan.
Muling tiniyak ni Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz na sa pamamagitan ng proyekto ito ay maibabalik at mapaparami uli ang puno ng Bulak sa maraming bahagi ng lalawigan.
Target ng Kapitolyo na maibalik ang panahon na makilala ang Bulacan na pangunahing pagkukuhanan ng hilaw na materyales mula sa bulak at makalikha ng industriya sa pagtetela.
Matutuloy na rin ang plano na muling mapuno ng mga kawayan ang mga sapa at ilog sa mga kanayunan sa Bulacan.
Itinuturing ni Gobernador Fernando na isang malaking hakbang ito upang mapatatag ang mga tabing-ilog at hindi matibag na nagdudulot ng pagbabaw ng mga anyong tubig kaya nagkakaroon ng pagbabaha. (PIA Region 3-Bulacan)