Search
Close this search box.
Search
Close this search box.

1.5M na Bulakenyo, rehistrado na sa PhilSys

Umabot na sa 1,569,263 milyong mga indibidwal sa Bulacan ang nairehistro na ng Philippine Statistics Authority o PSA para sa pagkakaroon ng PhilID card sa ilalim ng Philippine Identification System o PhilSys.

Ayon kay PSA Bulacan Officer-In-Charge Marcelino De Mesa, iyan ang bilang ng mga nakapagpatala mula nang magsimula ang roll-out noong Pebrero hanggang Disyembre 2021.

Ipinapaliwanag ni Philippine Statistics Authority Bulacan Officer-In-Charge Marcelino De Mesa (kanan) ang estado ng rehistrasyon para sa Philippine Identification System sa lalawigan. (PIA 3)

Ipinaliwanag niya na bagama’t hindi pa matutukoy kung sinu-sino ang mga Bulakenyo at mga hindi taga-Bulacan na dito nagparehistro ng PhilSys, mas mahalaga aniya na isang malaking kontribusyon na ito sa pambansang layunin na dapat magkaroon ng isang PhilID ang bawat mamamayan.

Pinakamaraming nagparehistro sa lungsod ng San Jose Del Monte na nasa 259,654 na sinusundan ng 187,666 sa lungsod ng Malolos at 132,986 sa bayan ng Santa Maria.

Inisyal pa lamang ito sa target na 1.8 milyon pang maiparehistro sa PhilSys ngayong 2022.

Magpapatuloy ang rehistrasyon habang may ipinapanganak na sanggol, kung saan maari nang mairehistro ang mga batang may edad mula limang taong gulang.

Ang PhilSys ay isang central identification platform para sa lahat ng mamamayan at mga dayuhang naninirahan sa Pilipinas.

Sa pamamagitan nito, pagkakalooban ng PhilID ang bawat indibidwal bilang opisyal at sapat na katibayan ng pagkakakilanlan.

Bukod sa pagkakaroon ng katibayan ng pagkakakilanlan, magagamit ang PhilID sa mga aplikasyon, pagproseso at pagkuha ng iba’t ibang serbisyo at programa ng pamahalaan.

Magbubunsod din ito upang mas maraming mamamayan ang magkaroon ng sariling bank account at matutong makapag-impok.

Ayon pa kay De Mesa, karaniwan nang katabi ng PSA ang Land Bank of the Philippines sa mga registration center nito.

Lahat ng nagpaparehistro sa PhilSys ay awtomatiko nang nakakapagbukas ng sariling bank account sa naturang bangko.

Walang kailangan na minimum deposit ang pagkakalooban ng account number basta’t nagrehistro sa PhilSys.

Kaugnay nito, nakatakdang muling magbukas ang 36 registration centers ng PSABulacan sa buong lalawigan sa ikatlong linggo ng Enero 2022.

Iba pa rito ang pagsasagawa ng 24 na mobile registration sa bawat bayan at lungsod at mga institutional registrations.

Ito’y upang lalong mapaigting ang roll-out ng PhilSys sa mas maraming mga mamamayan.

Samantala, nagsimula nang maipadala ng Philippine Postal Corporation ang mga PhilID cards ng mga nagparehistro sa PSA mula sa mga buwan ng Abril hanggang Hunyo 2021.

Iniimprenta ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang naturang mga PhilID upang matiyak na mapangalagaan ang mga security feature gaya ng Iris scan at full set ng fingerprints.

Binigyang diin pa ni De Mesa na ang naturang mga feature ang inilalagay sa PhilID csa halip na mga e-signatures na karaniwan ay nagagaya. (PIA 3)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *