Kahapon lamang, ika-2 ng Setyembre ay lumabas ang resulta ng naganap na Social Work Licensure Examination. Isa sa mga pinalad na pumasa at makakuha ng Top 3 spot mula sa 1,621 takers ay si Jasminda Libunao isang City Link mula sa DSWD Provincial Extension Office Nueva Ecija.
“Napakalaking biyaya po ng ating Panginoon ang mapabilang ako sa top, sa Kanya nanggaling lahat kung ano man ang ipinagkaloob sa akin ngayon.” Pagbabahagi ni Jasminda. Dagdag pa niya, “Hindi po biro na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho. Sikap, tiyaga, [at] suporta ng pamilya at higit sa lahat pananalig sa Panginoon ang naging katuwang ko upang matapos ang kursong ito.”
Nagsimula si Jasminda bilang Grievance Officer sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa loob ng dalawang taon. Sa kasalukuyan ay isa siyang City Link sa siyudad ng Cabanatuan at siya ay case manager ng 770 active households.
Ang mga City o Municipal Links ang pangunahing gumagabay sa mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps. Sila ang inaasahang maging tulay sa pag-unlad ng bawat miyembro, pamilya, grupo, at komunidad.
Ang tagumpay na ito ay isang patunay na dekalidad ang serbisyong naihahatid ng programa sa bawat pamilyang pilipino.
Bukod sa angking galing, ang pagmamalasakit sa mga mamamayan ang nagtutulak sa kanya upang magpatuloy sa serbisyo, “ang makatulong sa mga tao lalong-lalo na sa mga nangangailangan at walang kakayahan ay isa sa mga motibasyon ko bilang public servant,” ani Jasminda.
*Ang mga larawang kuha ay mula pa noong bago magkaroon ng pandemya na siyang nakaapekto sa pagdaraos ng face-to-face Family Development Sessions (Department of Social Welfare and Development)