Walong pangunahing kalsada sa Malolos ang pansamantalang isasara upang bigyan daan ang pagkakalso ng mga fabricated concrete girders, para sa itinatayong North-South Commuter Railway o NSCR Project Phase 1.
Sa ginawang pampublikong pagdinig na ginanap sa City Hall ng Malolos, ipinaliwanag ni Engr. Japhet Gonzales, kinatawan ng Sumitomo Mitsui Construction Corporation Ltd., na ang nasabing mga kalsadang isasara ay ang partikular na tatawiran ng magiging elevated railway track ng NSCR.
May 15 pirasong fabricated concrete girders ang laman ng isang span o ang kongkreto na itatawid sa mga isasarang kalsada na bahagi ng ruta.
Bawat isa ay may bigat na 50 tonelada kaya’t mapanganib kung hahayaan na may dadaan sa ilalim habang nagkakalso nito.
Unang sinubukan ang pagsasara sa bahagi ng Dakila-Dahlia Road kung saan nakumpleto na ang pagkakalso ng mga fabricated concrete girders kaya’t muli na itong nabuksan sa trapiko noong Marso 11.
Nakalinya na rin ang mga itinakdang pagsasara sa buong taon ng 2022 hanggang sa kalagitnaan ng 2023.
Mula Abril 11 hanggang 28, 2022 ay isasara ang Marcelo Road na daan papunta sa mga paaralan gaya ng Holy Infant, Holy Spirit Academy, Marcelo H. Del Pilar at sa Bulacan Sports Complex.
Dalawang beses namang isasara ang bungad ng Paseo del Congreso na may panulukan sa crossing ng Malolos sa Manila North Road.
Ang una ay mula sa Hunyo 13 hanggang Hulyo 1, 2022 para sa pagtatawid ng southbound railway track. Habang sa Setyembre 24 hanggang Oktubre 12, 2022 para sa pagtawid ng northbound railway track
Halos makakasabay nito ang pagsasara ng San Pablo- Sta. Isabel Road sa Agosto 18 hanggang Setyembre 3, 2022. Gayundin ang Camia-Santor Road na isasara sa Setyembre 26 hanggang Oktubre 11, 2022.
Sa taong 2023, bagama’t mananatiling nakabukas sa trapiko, pansamantalang pakikiputin ang bungad nito mula sa kasalukuyang apat na linya sa pagiging dalawang linya mula Enero 2 hanggang Mayo 5, 2023.
Ito’y upang bigyang daan naman ang konstruksiyon ng turnout para sa mga tren ng NSCR.
Tatlong hilera ng mga riles ang ilalatag dito kung saan ang mga tren na dadating sa Malolos, ay makakalipat sa kabilang riles para makabalik sa Tutuban.
Dito rin ikakabit ang istraktura ng itinatayong NSCR Phase 2 na patungo sa Clark International Airport Terminal 2.
Ang kalsada naman papunta sa First Bulacan Industrial City at sa First Bulacan Business Park ay isasara sa Marso 16 hanggang 31, 2023. Mula Hunyo 19 hanggang Hulyo 7, 2023, isasara ang Fausta Road.
Lahat ng mga kalsadang ito ay nakadugtong sa Manila North Road kaya’t maglalatag ang kontratista ng pansamantalang alternatibong daan sa mga panahon ng pagsasara.
Ito’y upang maging tuluy-tuloy pa rin ang daloy ng trapiko papunta at palabas ng Manila North Road patungo sa nasabing mga daan.
Ilalatag ang mga alternatibong daan ilang metro lamang mula sa mga isinara. May mga pararaanin sa ilalim ng naitawid nang fabricated concrete girders. (PIA 3)