Tumanggap ng makinarya ang nasa kabuuang 10 grupo ng mga magsasaka sa Tarlac mula sa Department of Agrarian Reform o DAR.

Ito ay sa ilalim ng Sustainable Livelihood Support for Disaster-Affected Areas o SLSDAA at Linking Smallholder Farmers to Market with Microfinance o LinkSFarMM ng ahensya.
Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, higit na kailangang bigyan ng pagkilala ang mga magsasaka ngayong panahon ng pandemya.
Aniya ito ang mga modernong bayani sapagkat bunga ng pagpapagal ng mga ito ang nakapagdadala ng pagkain sa hapag ng bawat mamamayang Pilipino.
Sa ilalim ng SLSDAA nakatanggap ng tatlong yunit ng Shallow Tube Well ang Lilibangon Agrarian Reform Farmers Association Inc. at isang yunit ng Hand Tractor ang Farmers Association of Maluid Victoria Inc.
Kasama rin ang Fonacier Agrarian Reform Farmers Association Inc. na nakatanggap ng apat na yunit ng Shallow Tube Well at tatlong yunit ng Power Sprayer, at Agrarian Reform Farmers of Sitio Dam Armenia Association Inc. na tumanggap ng isang yunit ng Portable Rice Mill.
Samantala, sa programang LinkSFarMM ay nakapag-uwi ng tag-iisang Hauling Vehicle ang Farmers Agrarian Reform Cooperative ng Bantog Magsikap, Motrico, Mabilog, Asturias, Our Lady of Lourdes, at Mapalacsiao Farmworker Beneficiaries Association, Inc.
Bilang kinatawan ng mga benepisyaryo nagpasalamat si Edgar Sumat, kapitan ng barangay Bantog, sa mga natanggap ng mga magsasaka na makatutulong sa kanilang araw-araw na pangkabuhayan. (PIA-3)












