May kabuuang 150 samahan ng mga magsasaka sa lalawigan ng Nueva Ecija ang tumanggap ng makinaryang pansaka mula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech.
Sa ilalim ito ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Mechanization Program na naglalayong mapaunlad ang ani ng mga magsasaka sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya.
Ito ang nakolektang buwis sa ipinataw na taripa sa mga inaangkat na Bigas sa bisa ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law.
Kabilang sa mga natanggap ng mga samahan ng mga magsasaka ay ang iba’t ibang makinaryang nagkakahalaga ng kabuuang 317.7 milyong piso na kinapapalooban ng 80 yunit na four-wheel tractors, 30 yunit na hand tractor, isang PTO Drive Disc Plow, isang Precision Seeder, tatlong Walk-Behind Transplanter; pitong Riding Type Transplanter; 98 yunit na Combine Harvester; isang Single Pass Rice Mill; at dalawang Multi-Pass Rice Mill.
Kasama sa mga tumanggap ang Antipolo Farmer’s Association na inorganisa ng Army 91st Infantry Battalion noong 2019 sa ilalim ng kanilang Community Support Program.
Sinabi Bartolome Manresa, kinatawan ng grupo, tiyak na makatutulong ang mga makinarya sa kanilang panghanapbuhay.
Aniya lubos ang pasasalamat ng kanilang grupo sa lahat ng tumulong upang maisakatuparan ito.
Dagdag pa niya, tiyak na mapabibilis ng mga makinang ito ang kanilang pagtatrabaho lalo na sa pag ani ng mga palay na itinanim.
Sa isang pahayag, sinabi ni Army 7th Infantry Division Acting Commander Brigadier General Luis Rex Bergante na kasama sa tagumpay ng pamamahagi ng mga kagamitan sa mga magsasaka ang inisyatibo ng kasundaluhan na ilapit ang magsasaka sa nararapat na ahensya na makatutugon sa kanilang pangangailangan.
Ani Bergante, natutuwa sila dahil mayroon muling grupo ng mga magsasaka ang madadagdagan ang ani sa pamamagitan nito.
Pagtitiyak niya, patuloy ang suporta ng kasundaluhan sa ganitong uri ng mga programa para sa mga magsasaka.
Hinikayat pa niya ang mga miyembro na mas tutukan ang pagpapaunlad ng kanilang hanapbuhay at iwaksi ang ideyang pagsali sa mga makakaliwang grupo. (CLJD/GLSB-PIA 3)
PHOTO CAPTION: