Patuloy sa paghahatid ng serbisyo ang Malasakit Center sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (PJGMRMC) sa lalawigan ng Nueva Ecija. Ito ay isang one-stop-shop facility na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Dr. PJGMRMC Malasakit Center Focal Person Marvin Agustin, layunin nito na mas mapadali ang paghahatid ng tulong medikal at pinansyal sa mga mamamayang Pilipino na nangangailangan, gayundin sa mga pasyenteng may mahabang sakit o chronic illness.
Kabilang aniya sa mga ahensyang pinagsama-sama dito ay ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Pahayag ni Agustin, ang PhilHealth ay nagbibigay kaalaman at pag-alalay sa kanilang mga miyembro at mga dependent para sa kanilang karapatang benepisyo na maaaring pakinabangan sa kanilang pagpapagamot.
Ang mga pasyenteng pumunta sa ospital na walang PhilHealth ay binibigyan ng tanggapan ng libreng PhilHealth sa tulong ng nakatalagang social worker upang makinabang rin sa mga benepisyo mula rito.
Dagdag pa ni Agustin, maaaring ilapit sa medical social service ng Malasakit Center ang mga bayarin na hindi nasakop ng PhilHealth na tinatawag na excess bill ng pasyente.
Samantala, ang PCSO naman ay nagbibigay ng tulong para sa confinement, reseta o medisina, laboratory o diagnostic procedures, implant, medical devices katulad ng prosthesis, at iba pang operasyon.
Tulong-pinansyal naman aniya ang kaloob ng DSWD para sa transportasyon, pagkain, pagpapalibing, assistive devices, at iba pang pangangailangan ng pasyente.
Bukod sa mga gamot, ang DOH ay nagkakaloob naman ng tulong sa blood products, iba’t ibang kagamitang medikal, suporta para sa serbisyong mental o psychosocial, rehabilitasyon, gayundin sa bayarin sa ospital.
Inisa-isa rin ni Agustin ang mga hakbang upang makahingi ng tulong sa Dr. PJGMRMC Malasakit Center.
Una, magpakonsulta o magpagamot ang pasyente sa ospital na mayroong Malasakit Center.
Pangalawa, magtungo sa opisina ng Malasakit Center ang pasyente o ang kamag-anak nito upang matugunan ang kanilang pangangailangang medikal o pinansyal.
Pangatlo, sumailalim sa isang interview at assessment ang pasyente o kamag-anak nito sa nakatalagang social worker sa tanggapan.
Pang-apat, magsumite ng mga kinakailangang dokumento katulad ng mga reseta ng gamot, x-ray, at laboratory request upang makatanggap ng mga benepisyo.
Matapos maaprubahan, matatanggap na ng benepisyaryo ang serbisyong medikal o pinansyal mula sa Malasakit Center.
Hinihikayat ni Agustin na lumapit lamang sa kanilang tanggapan kung nangangailangan ng tulong medikal o pinansyal dahil mayroong mga tauhan ang Malasakit Center na handang umalalay anumang oras.
Sa kasalukuyan, mayroon nang mga Malasakit Center sa apat na ospital sa Nueva Ecija.
Bukod sa Dr. PJGMRMC, mayroon na rin sa Manuel V. Gallego General Hospital at Eduardo L. Joson Memorial Hospital sa lungsod ng Cabanatuan, gayundin sa Talavera General Hospital.
Para sa iba pang impormasyon, maaari nang direktang magtungo sa mga Malasakit Center ng mga nabanggit na ospital upang makipag-ugnayan hinggil sa kanilang hatid na programa. (PIA 3)