May kabuuang 29 micro rice retailers sa Bulacan ang tumanggap ng tig P15,000 na cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ito ay sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program-Cash Assistance for Micro Rice Retailers na tugon ng DSWD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang mga maliliit na negosyanteng apektado ng implementasyon ng Executive Order No. 39 o ang pagpapatupad ng price ceiling sa bentahan ng regular-milled at well-milled na bigas.
Ayon kay Carlo Padilla ng DSWD Central Office, dumaan sa apat na hakbang ang mga benepisyaryo.
Kabilang na riyan ang pagsailalim sa beripikasyon tulad na pangalan, tirahan at pagpresenta ng balidong ID.
Sumunod naman ang profiling na aalamin kung saan gagamitin ang rice subsidy, releasing at photo documentation.
13 sa mga benepisyaryo ay magbibigas mula sa lungsod ng Malolos, anim mula sa lungsod ng San Jose del Monte, apat mula sa bayan ng Pulilan, tatlo mula sa bayan ng Balagtas, dalawa mula sa bayan ng Plaridel at isa mula sa bayan ng Paombong.
Sinabi ni Jezell Trajano, magbibigas mula sa Plaridel Public Market, na nagpapasalamat siya sa tulong na ibinigay ng pamahalaan upang mas makatulong sa mga ka-barangay sa pamamagitan ng pagtitinda ng bigas sa mas mababang halaga.
Ayon kay Department of Trade and Industry OIC-Assistant Regional Director at concurrent Provincial Director Edna Dizon, ang mga napiling benepisaryo ay sumailalim sa kanilang on-site monitoring kung tumutugon ang mga ito sa Executive Order No. 39 at kumpleto ng mga dokumento tulad ng business name registration at business permits.
Ani Dizon, inaasahan na magiging normal na ang suplay ng bigas at stable na presyo sa merkado sa pagpasok ng panahon ng anihan ngayong Setyembre hanggang Oktubre.