Inilarawan ni Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro si Marcelo H. Del Pilar bilang tagapaglatag ng pundasyon ng isang matatag na republika, sa paggunita ng ika-175 anibersaryo ng kanyang kapanganakan sa Pambansang Dambana sa Bulakan.
Ayon kay Lazaro, higit pa sa kanyang panahon ang kaisipan ni Del Pilar, na sa pamamagitan ng Propaganda Movement ay isinulong ang mga repormang naglalayong bigyan ng kinatawan ang Pilipinas sa parliyamento ng Espanya. Bagama’t hindi ito naisakatuparan noon, nagbunga ito sa pagbubukas ng Kongreso ng Malolos noong 1898.

Binigyang-diin din ng kalihim ang mga isinulat ni Del Pilar sa Diariong Tagalog at La Solidaridad na humihimok ng pagtatatag ng hukbong dagat para sa pambansang depensa—isang panawagan na nagkaroon ng tugon nang ideklara ng Espanya ang Subic Bay bilang naval base noong 1884.
Maliban dito, kinilala rin si Del Pilar bilang matatag na tagapagtanggol ng karapatang pantao, dahil sa kanyang mariing pagtuligsa sa katiwalian at pang-aabuso ng mga kolonyal na pinuno at simbahan. Ang mga akdang gaya ng Dasalan at Tocsohan, Caiigat Cayo, at La Frailocracia Filipina ay nagsiwalat ng katiwalian at pagmamalabis ng mga prayle.
Samantala, iginiit ni Gobernador Daniel Fernando na napapanahon ang mensahe ni Del Pilar, lalo sa harap ng mga isyung may kinalaman sa katiwalian sa mga proyektong kontra-baha sa Bulacan.
“Hindi magtatagumpay ang isang bayan kung walang katotohanan,” ani Fernando, at hinimok ang mga Bulakenyo na tularan ang paninindigan ni Del Pilar sa katotohanan at katarungan.
📸 DFA/PIA Region 3












