Sinimulan na ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang pagsubok ng mga electric bus sa loob ng Central Business District (CBD) ng Subic Bay Freeport Zone — isang mahalagang hakbang patungo sa layunin nitong maging kauna-unahang carbon-neutral economic zone sa bansa pagsapit ng 2030.
Ayon kay SBMA Deputy Administrator for Corporate Communications Armie Llamas, layunin ng week-long dry run na masuri ang performance at kahandaan ng mga e-bus sa aktuwal na operasyon. Isasagawa ito mula Nobyembre 3 hanggang Nobyembre 9, alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, at walang pamasahe na sisingilin sa mga pasahero.

Apat na e-bus ang kasalukuyang tumatakbo sa CBD upang subukan ang charging capacity, ruta, at ginhawa ng biyahe.
Bahagi rin ito ng Pure Battery Electric Bus (PBEB) project, kung saan naglaan ang SBMA ng ₱10 milyon para sa paggawa at rehabilitasyon ng 58 bus stops sa iba’t ibang bahagi ng Freeport. Target na matapos ang mga pasilidad sa Disyembre 2025.
Ang inisyatibo ay kabilang sa kampanyang “Race to Carbon Neutrality” ng SBMA, na kasama rin ang ₱250-milyong Carbon Neutral Port project upang magbigay ng shore power connection sa mga barkong nagda-dock sa Subic.












