Nagpahayag si Senator Bam Aquino ng tagumpay para sa kabataang Pilipino kagabi, bilang tugon sa pagpapatibay ng pinakamataas na pondo para sa edukasyon sa kasaysayan ng bansa—isang hakbang na matagal na niyang isinusulong mula pa panahon ng kampanya hanggang sa kanyang pagbabalik sa Senado.
Ayon kay Aquino, malinaw ang kanyang mandato: tugunan ang krisis sa edukasyon at ipaglaban ang pangangailangan ng pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng makabagong batas at sapat na pondo para sa kinabukasan ng kabataan. Kabilang sa mga pangunahing hakbang ang mahigit ₱65 bilyon para sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan sa tulong ng iba’t ibang institusyon. Layunin nitong mapabilis ang pagtatayo ng classrooms sa tamang panahon at presyo upang mabawasan ang siksikan, shifting schedules, at makeshift na mga paaralan.


Kasama rin sa inaprubahang pondo ang ₱26 bilyon para palawakin ang feeding program mula 150 days tungo sa 200 days, bilang tugon sa malnutrisyon at stunting upang matiyak na walang batang pumapasok sa paaralan na gutom.
Muling tiniyak ni Aquino ang Libreng Kolehiyo para sa mahigit 5.6 milyong kabataan, kasama ang dagdag na allowance at suporta upang masiguro ang kanilang pagtatapos. Para sa senador, ang mga hakbang na ito ay patunay na ang solusyon sa krisis sa edukasyon ay nakasalalay sa ‘edukasyon, hindi korapsyon,’ kasabay ng paglalaan ng pinakamalaking budget sa edukasyon sa buong kasaysayan ng Pilipinas—isang pamumuhunan para sa mas maliwanag na kinabukasan ng kabataang Pilipino.










