Hindi lamang simpleng ayuda ang hatid ng Pampanga Provincial Capitol at Department of Social Welfare and Development (DSWD), kundi tunay na malasakit at pagkilala sa mga sektor na patuloy na nagsisilbi sa komunidad.









Layunin ng programa na suportahan ang mga frontliners at manggagawang panlipunan na may mahalagang papel sa kalusugan at kapakanan ng mga Kapampangan. Sa isinagawang distribution sa Bren Z. Guiao Convention Center sa lungsod ng San Fernando noong weekend, libo-libong benepisyaryo ang tumanggap ng tulong-pinansyal at pagkain bilang pagkilala sa kanilang serbisyo.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang 484 Barangay Nutrition Scholars na tumanggap ng tig-₱3,000 mula sa DSWD, at 701 Day Care Workers na nabigyan ng ₱12,000 subsidy at mga food items tulad ng manok at hotdog. Pinakamalaki ang bilang mula sa sektor ng mga scavenger, kung saan 1,206 indibidwal ang nakatanggap ng ₱3,000 mula sa DSWD, karagdagang ₱2,000 mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga, at 25 kilo ng bigas bilang dagdag na suporta.



Personal na nakiisa ang ilang opisyal ng lalawigan, kabilang sina Board Members Cherry Manalo, Christian Halili, Fritzie David Dizon, Atty. Claire Lim, at Sajid Khan Eusoof, pati na rin si Pampanga Council League President Meynard Lapid, Governor Lilia “Nanay” Pineda, Vice Governor Dennis “Delta” Pineda, at dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo. Dumalo rin sina DSWD Regional Director Venus Rebuldela at Pampanga Provincial Director PCol Eugene Marcelo bilang patunay ng patuloy na suporta ng kanilang tanggapan sa mga programang panlipunan ng lalawigan.
Sa mensahe ni Vice Governor Delta Pineda, binigyang-diin ang dedikasyon ng pamahalaan sa Kapampangan: “Kung nanuman pu ing tatanggapan yu, para kekayu la mu ren.” Pinuri rin ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo ang Pampanga bilang model province sa kalusugan at serbisyong panlipunan, samantalang tiniyak ni Governor Nanay Pineda na ang malasakit ng lalawigan ay hindi limitado sa iisang panahon: “Hindi lang tuwing Pasko, kundi sa anumang okasyon—hindi kayo makakalimutan.”
Sa patuloy na pagtutulungan ng Pamahalaang Panlalawigan at DSWD, muling pinatunayan na sa Pampanga, walang naiiwan—sapagkat ang serbisyong totoo ay serbisyong ramdam.
📸Pampanga PIO












