Kinilala ng Department of Agriculture (DA) ang Bulacan bilang Top Performing Province (Rank 1) sa Gitnang Luzon noong 2025 sa matagumpay na pagpapatupad ng mga programa, proyekto, at gawain ng ahensya sa sektor ng agrikultura.

Ayon sa DA, nanatiling consistent ang lalawigan sa mataas na performance nito sa rice production program, kabilang ang pagkakaroon ng pinakamataas na porsyento ng mga magsasakang sumusunod sa ecological farming practices, pinakamaraming magsasakang nasanay sa makabagong teknolohiya sa agrikultura, at pinakamalaking pagtaas ng ani ng mga magsasakang tumanggap ng technical assistance.
Nanguna rin ang Bulacan sa porsyento ng mga magsasakang kasapi ng crop insurance program, pinakamaraming kalahok sa farmer field schools, at pinakamataas na bilang ng mga magsasakang matagumpay na nag-diversify ng pananim.
Bukod dito, naitala rin ng lalawigan ang pinakamataas na porsyento ng mga magsasakang nakakuha ng organic certification, mataas na bilang ng mga magsasakang matagumpay na nakapagbenta ng kanilang mga produkto, at pinakamaraming magsasakang sumusunod sa climate-smart agriculture practices.
Dahil sa parangal, pinuri ni Governor Daniel Fernando ang mga magsasaka, agricultural workers, at extension workers ng Bulacan sa kanilang walang sawang dedikasyon at kontribusyon sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura.
Aniya, ang pagkilalang ito ay patunay ng sama-samang pagkilos at pagtutulungan ng mga nasa likod ng mga programa upang higit pang palakasin ang agrikultura sa lalawigan.










