Sa isang simpleng seremonya, pinagkalooban ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ng tig-₱100,000 na Cash Gift ang apat na centenarians sa Capas, Tarlac.
Bukod sa cash grant, ipinagkaloob din ng NCSC ang felicitation letters mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang pagkilala at pagbati sa mga katutubong centenarian na sina Orlando Sumawang, 106 taong gulang; Brigido Capiz, 102, Rodregez Tarroza, 102; at Milagrosa ‘Miring’ Tarroza, 102. Sila ay hindi nakatanggap ng nasabing cash gift noong 2024, kasunod ng paglipat ng programa mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) patungo sa NCSC noong 2025.






Ayon kay NCSC Chairperson at CEO Atty. Ma. Merceditas N. Gutierrez, mabilis na inaksyunan ng Komisyon ang mga aplikasyon ng mga Aeta centenarian alinsunod sa Expanded Centenarians Act (ECA). Pinasalamatan din niya ang lahat ng ahensya at partner na tumulong upang agad na maipamahagi ang mga benepisyo.






Binigyang-diin ni Gutierrez na ang pagbibigay ng nararapat na benepisyo sa senior citizens ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng matibay na ugnayan ng lokal at pambansang pamahalaan.
Tiniyak din ng NCSC na mas mapapabilis pa ang pamamahagi ng mga benepisyo dahil maaari nang pumili ang mga benepisyaryo kung cash o bank transfer ang nais nilang paraan ng pagtanggap ng ECA grants.

Samantala, sinabi ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes na natutuwa siya at naipamigay na ang cash gift sa apat na benepisyaryo. Suportado din nya ang pagsulong ng universal pension para sa kapakanan ng mga senior citizens.
Nagpasalamat naman si Capas Mayor Roseller Rodriguez sa mabilis na koordinasyon at pakikipagtulungan ng NCSC sa lokal na pamahalaan.
Personal ding nagpaabot ng pagbati sina Rep. Milagros Aquino-Magsaysay sa mga Aeta centenarian, at namahagi din sa mga ito ng mga ‘care packs’.
Ang pamamahagi ay kasunod ng kumalat na video sa social media na nagsasabing hindi nakatanggap ng cash gift ang apat na katutubong centenarian dahil umano ay “overaged.”
Nilinaw ng NCSC na noong Pebrero 9, 2026 lamang nila natanggap ang mga aplikasyon at endorsement letter mula sa lokal na pamahalaan, halos isang taon matapos ilipat sa Komisyon ang pamamahala sa ECA.
Muling iginiit ng ahensya ang kanilang pangako na matiyak na mabibigyan ng tamang pagkilala at suporta ang bawat katutubong senior citizen, anuman ang henerasyong kanilang kinabibilangan.












