Palawakin sa buong bansa ang Angeles City program na nagbibigay ng isang kilong bigas kapalit ng isang kilong plastic na basura. Ito ang layunin ni Pampanga First District Congressman Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. na naghain noong February 12, 2026 ng House Bill No. 7781, na naglalayong isama ang ‘Walang Plastikan: Plastic-Palit-Bigas Program’ sa ten-year Solid Waste Management (SWM) Plan ng lahat ng lalawigan, lungsod, at bayan sa ilalim ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Sa ilalim ng programang ipinatupad sa Angeles City mula 2022 hanggang 2024, nakatanggap ang mga residente ng isang kilo ng bigas para sa bawat isang kilo ng plastic waste na isinusumite sa City Government. Ayon kay Lazatin, layunin ng HB 7781 na makatulong sa paglutas ng gutom sa marginalized sectors, sabay na itaguyod ang tamang segregasyon sa pinagmulan, at bawasan ang residual waste.
Lahat ng lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng kanilang Local SWM Boards, ay inaasahang isasama ang Walang Plastikan Program sa kanilang ten-year SWM Plan at gagawa ng naaangkop na implementing guidelines, kabilang ang eligibility, exchange rates, collection schedules, at koordinasyon sa barangay Materials Recovery Facilities (MRF) o iba pang awtorisadong pasilidad.
Mula 2022 hanggang unang quarter ng 2024, nakapag-distribute ang Angeles City ng kabuuang 2,925,631 kilo ng bigas kapalit ng katumbas na plastic waste. Ang nakolektang plastik ay ibinenta sa Holcim Philippines bilang kapalit ng semento na ginamit sa mga proyektong pang-imprastruktura, habang ang ibang bahagi ay ginawang sustainable brick pavers ng City Engineer’s Office.
Tinatayang 87% ng 4Ps beneficiary families sa lungsod ay nakinabang sa programa. Noong 2024, ang Walang Plastikan Program ay naging isa sa 17 National Finalists sa Walang Gutom Awards ng DSWD at Galing Pook Foundation. Sa final panel presentation, binigyang-diin ni Lazatin ang kontribusyon ng programa sa Sustainable Development Goals, lalo na sa SDG 2: Zero Hunger at SDG 12: Responsible Consumption and Production.
“Walang magugutom. Walang kalam ang tiyan. No one goes to bed hungry,” ani Lazatin.












