Search
Close this search box.
Search
Close this search box.

Online, mall voters’ registration hinihikayat ng COMELEC

Hinihikayat ng Commission on Elections o COMELEC ang publiko na magparehistro online o sa mga mall upang makaboto sa Halalan 2022.

Ayon kay COMELEC Regional Election Director Gloria Petallo, mayroong mga downloadable forms na maaaring makita online sa pamamagitan ng pagbisita sa irehistro.comelec.gov.ph.

Ang pagsagot sa mga ito aniya ay maaaring magpaikli ng oras ng proseso ng pagpaparehistro mula 20 hanggang 15 minuto sa 5 hanggang 10 minuto na lamang.

Sa pamamagitan ng online registration, maaari ring pumili ang mga magpaparehistro ng nais nilang iskedyul kung kailan sila tutungo sa tanggapan ng COMELEC o sa mga mall upang manumpa sa harap ng mga registration officer.

Kung hindi naman online, mungkahi ni Petallo na tumungo na lamang ang mga naghahangad na magparehistro sa mga malapit na mall sa kanilang lugar.

Aniya, karamihan sa mga mall na ito ay tumatanggap ng mga magpaparehistro mula alas otso ng umaga hanggang alas siyete ng gabi, o kung hindi naman ay sumusunod sa mall hours.

Payo ni Petallo sa publiko, huwag nang hintayin ang huling linggo o huling araw bago magparehistro dahil maaaring mapuno na ang kapasidad ng mga registration center at hindi na tuluyang makapagparehistro.

Sa tala ng COMELEC, mayroong 6,686,318 rehistradong botante sa Gitnang Luzon ang naitala sa Election Registration Board hearing noong ika-19 ng Hulyo.

Sa numerong ito, 1, 825, 156 ang nakarehistro sa probinsya ng Bulacan; 1, 438, 484 sa Nueva Ecija; 1, 432, 788 sa Pampanga; 833, 526 sa Tarlac; 519, 337 sa Bataan; 494, 738 sa Zambales; 142, 289 sa Aurora.

Pagbibigay diin ni Petallo, hindi na palalawigin ang huling araw ng pagpaparehistro sa ika-30 ng Setyembre sa kabila ng mga panawagan dahil mayroon ng ibang aktibidad ang COMELEC sa mga natitirang buwan upang maghanda sa paparating na Halalan.

Dagdag niya, nagbigay naman ng ekstensyon ang komisyon sa oras ng pagpaparehistro at ito na ay mula alas otso ng umaga hanggang alas siyete ng gabi simula Lunes hanggang Biyernes; at alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon sa araw ng Sabado at Linggo.

Bukod dito, pinapayagan aniya na lumabas ang mga edad 17 na papasok sa edad 18 bago ang eleksyon sa ika-9 ng Mayo; at mga higit sa 65 anyos upang magparehistro.

Samantala, ibinahagi ni Petallo na ang pagsusumite ng mga Certificate of Candidacy ng mga nais na mailuklok sa pwesto sa darating na eleksyon ay mula sa unang araw hanggang ika-walong araw ng Oktubre, alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

Ang campaign period naman aniya ay magsisimula sa Enero para sa mga humahabol sa national positions, habang sa Marso naman para sa mga kakandidato sa lokal na pwesto.

Mungkahi ni Petallo, maghintay na lamang sa mga ilalabas pang tuntunin ng pambansang pamahalaan hinggil sa paraan ng pangangampanya, at sa mismong halalan. (PIA 3)

Share this post:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *