May 205 mangingisda mula sa mga bayan ng Lubao at Sasmuan sa Pampanga ang nakinabang sa kabuuang 800,000 pisong halaga ng ayudang bigay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.

Naipaabot sa mga benepisyaryo ang nasabing ayuda kasunod ng panawagan ng pamahalaang panlalawigan sa BFAR na suportahan ang mga residenteng pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay.
Ayon kay BFAR Regional Director Wilfredo Cruz, kabilang sa mga ayudang ipinagkaloob nila sa mga mangingisda ang 200 gillnets, limang bangka, at dalawang bakulingling na magagamit nila sa araw-araw upang maiangat ang kanilang pamumuhay.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Bise Gobernador Lilia Pineda sa BFAR para sa nasabing tulong, at sinabing may paparating pang apat na bangka at karagdagang bakulingling mula sa ahensya.
Bukod sa mga kagamitan sa pangingisda, namigay din ang pamahalaang panlalawigan ng tulong pinansiyal at pagkain sa mga benepisyaryo.
Samantala, sa ngalan ng lahat ng kanyang kapwa mangingisda, nagpasalamat si Marcelino Espares sa BFAR at sa pamahalaang panlalawigan.
Aniya, malaking tulong ang ayudang ipinagkaloob sa kanila upang lalo nilang mapalago ang kanilang kabuhayan at upang may mapagkunan sila ng pangkain sa araw-araw.
Bukod sa pamimigay ng mga kagamitan, plano rin ng pamahalaang panlalawigan, sa tulong ng BFAR, na magtayo ng fish processing at landing center, bilang bahagi ng pagsisikap nitong mapalago ang kita ng mga lokal na mangingisda. (PIA 3)