Ipinatawag ni Governor Dennis “Delta” Pineda ang mga Obstetrician-Gynecologist mula district hospitals para hingin ang kooperasyon ng mga ito sa isang programa na layong maglaan ng isang pasilidad na ekslusibo para sa mga OB-GYN patient na nagpositibo sa COVID-19.
Ito ay matapos lumobo ang bilang ng mga buntis na nagpositibo sa naturang virus nitong mga nakalipas na araw.
Isang paraan din daw ito ni Governor Pineda para tulungang ma-decongest ang Jose B. Lingad Memorial General Hospital dahil sa umaapaw na bilang ng COVID-19 patients na kasalukuyang naka-admit dito.
Batay sa napag-usapan, maglalaan muna ng inisyal na labing-limang kama sa gagawing COVID-19 referral hospital para sa mga buntis na tinamaan ng COVID-19.
Ayon kay Malu Lacson, central command deputy on COVID-19 vaccination roll-out, limang OB-GYN doctors ang mangangasiwa sa naturang ospital para sa COVID-19 positive pregnant women.
Hiningi rin ng kapitolyo ang pakikiisa ng mga OB-GYN sa layuning maitaas ang kamalayan ng mga pasyenteng buntis tungkol sa sakit na COVID-19. (Pampanga PIO)