Mahalagang panlaban sa COVID-19 lalo na sa banta ng Omicron variant ang early detection at isolation.
Ayon kay Department of Health Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa, ugaliing magpakonsulta sa doktor o ipaalam sa mga Barangay Health Workers kung nakararanas ng ubo, sipon, pananakit ng katawan o iba pang sintomas upang mapayuhan sa mga dapat na gawin.

Aniya, mas madaling makahawa ang Omicron variant kumpara sa delta at iba pang variant ng COVID-19.
Kaniyang ipinahayag na mas mabuting magpasuri upang malaman agad ang dahilan ng pagkakasakit.
Kung positibo sa RT-PCR Swab Test ay tapusin ang isolation period gayundin ang quarantine period para sa mga may nakasalamuhang positibo sa sakit.
Ayon pa kay Espinosa, nagkaroon ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 kasunod ng pagdiriwang ng holiday season na muling nagkasama-sama ang mga magkakapamilya at magkakaibigan.
In terms of severity ay hindi aniya ganon kalala ang mga naitatalang kaso sa lalawigan na batay sa iniulat nitong nakaraang linggo ay nasa 83 porsyento ng mga active cases ng COVID-19 ay nasa home quarantine at nasa 13 porsyento ang naka-admit sa ospital.
Nakabukas naman 24 oras ang COVID-19 hotlines o One Hospital Command sa lalawigan na 0918-245-4000 at 0965-904-3679 upang umalalay sa mga mamamayang nangangailangan. (PIA 3)