Tumanggap ng mga bagong kagamitan ang First Scout Ranger Regiment o FSRR bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-125 Taong Anibersaryo ng Philippine Army.
Sa isang birtwal na mensahe, sinabi ni Army Commanding General Lieutenant General Romeo Brawner Jr. na bahagi pa rin ito ng patuloy na pagkalinga sa kalagayang pantao at pagpupugay sa katapangan ng mga kawal para sa walang tigil na serbisyo sa pagbibigay ng seguridad sa bansa.
Kabilang sa mga natanggap ng FSRR ang 1,200 bagong Carbine 5.56 mm M400 Sigsauer rifles at 253 na Lensatic Compass.
Tumanggap din sila ng 3,030 na mga Personal Identification Tag; 3,101 na Philippine Army Pattern Battle Dress Uniform; 3,023 na athletic uniform, at 153 na combat boots.
Pati na 23 bagong motorsiklo at mga makabagong communication equipment.
Sinabi ni FSRR Commander Freddie Dela Cruz na bukod sa mga biyayang ito, magbubunsod ang pagdiriwang ng anibersaryo sa lalong pagpapaigting ng kapatiran ng mga kasundaluhan at isang bagong pagkakataon na maitanghal ang mga tagumpay ng Hukbong Katihan. (PIA 3)