Nakamit na ng lalawigan ng Bataan ang herd immunity laban sa COVID-19.
Sa panayam sa programang Network Briefing News, sinabi ni Governor Albert Raymond Garcia na sa kabila nito ay patuloy pa rin ang malawakang pagbabakuna ng lalawigan sa 29 vaccination sites at mobile vaccination program o Vax on Wheels upang lalong mabigyang proteksyon ang bawat mamamayan hanggang malagpasan ang 100 porsyentong bakunadong indibidwal sa lalawigan lalo na at nakapasok na sa bansa ang omicron variant.

Kaugnay nito ay nagpasalamat si Garcia kay Pangulong Duterte at sa pamahalaang nasyunal pagkat aniya hindi napabayaan ang Bataan sa pagkakaroon ng sapat suplay ng bakuna.
Pasasalamat din aniya sa pamamahagi ng iba’t ibang ahensya ng mga tulong pinansyal sa mga Bataeñong lubos na naapektuhan ng pandemya gaya ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers, Social Amelioration Program, Assistance to Individuals in Crisis Situation at Medical Assistance to Indigent Patients.
Ang Bataan ay isa sa mga nangungunang lalawigan pagdating sa bilang ng mga nabakunahan na ang eligible population.
Sa tala ng Provincial Health Office, nasa 415,811 indibidwal na ang fully vaccinated habang nasa 535,913 ang nakatanggap na ng paunang dosis. May 14,206 na din ang tumanggap ng booster shot. (PIA 3)