Search
Close this search box.
Search
Close this search box.

Katatagan ng Pananalapi ng Kapitolyo, inihandog sa ika-444 Taon ng Bulacan

Sentro ng pagdiriwang ng Ika-444 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan bilang isang lalawigan ang pasasalamat sa pagiging Top 2 nito na may Highest Locally Sourced Revenues sa buong Pilipinas noong 2021 base sa Bureau of Local Government Finance. (PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Inialay sa Ika-444 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan ang pagiging Top 2 nito sa may Highest Locally Sourced Revenues sa buong bansa nitong 2021.

Base sa tala ng Bureau of Local Government Finance o BLGF, nakakolekta ang Bulacan ng halagang 1.82 bilyong piso mula sa iba’t ibang uri ng mga buwis at panloob na kita noong nakaraang taon na itinakda ng 2018 Revised Provincial Revenue Code.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, ang muling pagkakatala at pagkilala sa lalawigan ng BLGF ay pagpapatunay ng katatagan ng pananalapi ng pamahalaang panlalawigan.

Bukod sa pangalawang may pinakamataas na nakolektang buwis at mga panloob na kita, pangsiyam ang lalawigan sa collection efficiency na umabot sa 78.2 porsyento.

Kabilang sa mga pinagkukuhanan ng kita ng pamahalaang panlalawigan base sa 2018 Revised Provincial Revenue Code, ay mga buwis sa mga ari-ariang hindi natitinag, upa sa mga commercial buildings na pag-aari ng Kapitolyo, environmental fees at mga upa sa mga event facilities gaya ng Hiyas ng Bulacan Convention Center, Bulacan Capitol Gymnasium at Bulacan Sports Complex.

Nakatulong aniya ang nakolektang 1.82 bilyong piso upang madagdagan ang nasa 5 bilyong pisong National Tax Allocation, na kilala rin bilang Internal Revenue Allotment na inilaan sa Bulacan ng pamahalaang nasyonal.

Ito ang bumuo sa Provincial Budget para sa taong 2022 na umaabot sa halagang 7.4 bilyong piso.

Binigyang diin pa ng gobernador na matitiyak ng pamahalaang panlalawigan na mapopondohan ang mga pangunahing proyekto at programa para sa lalong pagbangon ng Bulacan mula sa pandemya.

Kabilang dito ang pagsuporta sa sektor ng agrikultura, kalusugan, paglikha ng trabaho, pagkukumpleto ng mga imprastraktura, pangangalaga sa kalikasan at pagtataguyod sa kultura at turismo.

Kaugnay nito, ito ang unang pagkakataon na binuksan sa publiko ang pagdiriwang ng Araw ng Pagkakatatag ng Bulacan mula nang tumama ang pandemya noong 2020.

Taong 2006 nang pagtibayin ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang pananaliksik ng Center for Bulacan Studies ng Bulacan State University o CBS-BulSU.

Lumabas sa matagumpay na pananaliksik na ang angkop na petsa ng pagkakatatag ng Bulacan bilang isang lalawigan ay Agosto 15, 1578 sa halip na Marso 10, 1907, na dating araw na kinikilala mula taong 2005 paurong.

Ayon kay sa historyador at dating direktor ng CBS-BulSU na si Reynaldo Naguit, lumabas sa kanyang pananaliksik na naitatatag ang isang lalawigan kung kailan naitatatag ang kabisera nito.

Noong 1578, naitatag ang bayan ng Bulakan bilang kabisera ng lalawigan ng Bulacan noong Agosto 15, 1578. 

Ganito rin aniya ang naging sistema ng mga Kastila nang maitatag ang Cebu, Cebu; Sorsogon, Sorsogon; Tarlac, Tarlac; Davao, Davao at iba pang gaya nito.

Pinipili naman ang petsa kung kailan itatatag ang isang bayan o lalawigan sa araw ng kapistahan ng isang patron sa isang partikular na lugar.

Ang petsang Agosto 15 ay araw din ng kapistahan ng Nuestra Senyora Del Carmen na patrona ng bayan ng Bulakan. (PIA 3)

Tags

Share this post:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *