Mga ahensya ng gobyerno, naghatid ng serbisyo, ayuda sa Tarlac
LUNGSOD NG TARLAC (PIA) — May 20 ahensya ng pamahalaan ang nagsama-sama upang magbahagi ng iba’t-ibang serbisyo at tulong-pangkabuhayan sa mga Tarlakenyo.
Ito ay bahagi ng Integrated Sustainable Assistance, and Recovery Advancement Program o ISARAP na naglalayong ilahad ang mga programa at proyektong nagawa sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Cooperative Development Authority o CDA Undersecretary Joseph Encabo, ang gobyerno ay para sa tao kung kaya’t nagkaisa ang mga ahensya nito upang ilapit ang nararapat na benepisyo sa bawat mamamayan upang magbigay-daan sa isang komportableng pamumuhay.
Giit niya, bagama’t magtatapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, inaaasahan pa rin ang patuloy na pagbabago mula nang mailuklok ito noong 2016.
Ani Encabo, nais ni Duterte na ipagpatuloy ng susunod na administrasyon ang mga pagbabago at programa patungo sa maayos at progresibong Pilipinas.
Kabilang sa mga lumahok sa ISARAP ang CDA na namahagi ng Certificate of Compliance sa 50 kooperatiba sa Tarlac.
Nasa 559 naman ang kabuuang benepisyaryong tumanggap ng Certificate of Lot Award mula sa National Housing Authority sa ilalim ng Government Employment Housing Program nito.
Samantala, nagtulungan ang Department of Information and Communications Technology o DICT at National Commission on Indigenous Peoples sa pagbibigay ng computer package na naglalaman ng tatlong laptop, tatlong headset, printer at router sa limang komunidad ng mga katutubo sa probinsya.
Bukod pa rito, tampok sa serbisyo ng DICT ang libreng printing ng vaccination certificate o VaxCert, at pamamahagi ng DICT merchandise.
Nakiisa rin ang Philippine Coconut Authority na nagkaloob ng 100 coconut seedlings sa 250 miyembro ng Aeta community mula sa bayan ng Bamban.
May kabuuang limang barangay sa probinsya ang tumanggap ng new affiliated public libraries habang isang provincial library at limang existing municipal libraries naman ang nagkaroon ng mga printed library materials mula sa National Library of the Philippines.
Bahagi rin sa programa, ang pag-abot ng Tarlac Provincial Environment and Natural Resources Office ng tatlong residential free patents, dalawang special free patents at 300 punla ng iba’t-ibang puno.
Dagdag dito, nasa walong guro ang nagrepresenta sa 374 benepisyaryo, at tumanggap ng mga bagong laptop mula sa Department of Education na pinondohan ng Bayanihan 2.
Nagbigay din ng tulong-pinansyal ang Department of Social Welfare and Development sa mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program, at Assistance to Individuals in Crisis Situations.
Kabilang sa mga ahensya na nagbigay ng kanilang serbisyo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na nag-award ng cash subsidy; Department of Trade and Industry na nag-alok ng business consultation; Technical Education and Skills Development Authority na nagpakilala ng kanilang mga scholarship program; at Department of Labor and Employment na sumagot sa mga usaping trabaho.
Kasama rin ang Department of Health na nagdala ng mga COVID-19 vaccines at booster shot; Department of Public Works and Highways na nagsagawa ng job hiring; at Department of Human Settlements and Urban Development na naghandog ng tulong-pinansyal sa mga lokal na pamahalaan. (CLJD/TJBM-PIA 3)
PHOTO CAPTION:
Inilunsad ang Integrated Sustainable Assistance and Recovery Advancement Program o ISARAP sa Kaisa Convention Hall, lungsod ng Tarlac upang maghatid ng serbisyo at tulong pangkabuhayan sa mga Tarlakenyo. (Gabriela Liana S. Barela/PIA 3)