Mga kandidato sa Pampanga pumirma ng “peace covenant”
Tinipon ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga tumatakbong lider sa Pampanga sa isang peace covenant activity na layong pag-isahin ang lahat sa usaping kaayusan at kapayapaan ngayong panahon ng halalan.
Sumumpa ang mga kandidato ng patas at payapang laban para sa iba’t-ibang posisyon sa lalawigan, sa pamamagitan ng paglagda sa tinatawag na integrity pledge board.
Ayon kay Atty. Rommel Rama, Provincial Elections Supervisor, mahalaga ang naturang aktibidad, dahil dito ipinapaliwanag ang mga resolusyong ipinapatupad ng COMELEC na naglalaman ng mga dapat at hindi dapat gawin ng mga kandidato.
“This activity was made particularly to get their commitment, that is why they are signing this integrity pledge, it is a commitment para they will abide by the COMELEC rules and regulations. So, pinaalam natin sa kanila kung ano ang mga bawal at mga possible violation, and we get their commitment para sundin nila ‘yan,” ani Atty. Rama.
Gaya ng COMELEC, hangad din ni Governor Dennis “Delta” Pineda na tumatakbo bilang re-electionist ang kapayapaan sa darating na halalan.
“Sana po ay huwag nating hayaan na maging hadlang ang ating pagiging magkakatunggali sa hangarin nating mapaglingkuran ang probinsiya. Umaasa po ako na tayong lahat ay magkakaisa sa pagsunod sa mga alintuntunin ng COMELEC nang sa gayon ay mapanatili natin ang kapayapaan at kaayusan sa ating lugar,” ani Governor Delta.
(Photo: Jun Jaso / Pampanga PIO)












