Nagwagi ang mga pambato ng Gitnang Luzon sa katatapos na Constitutional Reform o CORE National Youth Summit ng Department of the Interior and Local Government o DILG.

Ayon kay DILG Region 3 Monitoring and Evaluation Division Chief Lerrie Hernandez, 1st runner-up sa Paligsahan sa Pagsulat ng Sanaysay o Essay Writing Contest si Tristan Jay Nening mula sa bayan ng Llanera sa Nueva Ecija.
1st runner up din sa Paligsahan sa Pagsulat ng Kanta o Songwriting Contest si Joshua Saturno mula sa bayan ng San Luis sa Aurora na may likhang pinamagatang “Pag-asa ay Bukas sa Ekonomiyang Bukas”.
Kampeon naman sa TikTok Challenge si Christine Joy Oas mula Nueva Ecija habang 1st runner up sa naturang kategorya si Melvin Tiburcio na mula din sa Nueva Ecija.
Ang iba pang naging entry ng rehiyon ay sina Jericho Madayag mula sa lungsod ng Mabalacat para sa Patimpalak sa Pagbuo ng Digital Poster o Digital Poster Making contest at Alywin Millena mula bayan ng Baler sa Aurora para sa Paligsahan sa Paggawa ng Maikling Pelikula o Short Film Making contest.
Inorganisa ng Center for Local and Constitutional Reform ng DILG, layunin ng idinaos na summit na ipaalam sa kabataan ang benepisyo ng pag-amyenda sa ilang probisyon sa Saligang Batas at hikayatin sila na isulong ito.
Ang tema nito ngayong taon ay “Bukas na Ekonomiya nang Lahat ay may pag-asa’. (PIA 3)