Simula sa Abril 30 ay ipadadala na ang mga Vote Counting Machine o VCM sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Fernando Cot-om, nakatakda ang deployment ng mga kagamitan simula Abril 30 para sa mga lokalidad na sakop ng District 1 at 2 samantalang ang mga lugar sa District 3 at 4 ay ipamamahagi sa Mayo 2.
Aniya, on track ang mga isinasagawang preparasyon ng ahensiya at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na tanggapan hinggil sa nalalapit na botohan sa Mayo, kagaya sa mga kapulisan at kasundaluhang magbabantay ng mga election paraphernalia at ng mga lugar na pagdadausan ng halalan.
Nagsimula naman noong buwan ng Marso ang pagsasanay sa mga guro na magiging bahagi ng electoral board na sinundan pa ng refresher training na ginagawa sa bawat bayan at siyudad sa lalawigan.
Pahayag ni Cot-om, nakagayak na ang lalawigan para sa nalalapit na botohan at sa pamamagitan ng tulong ng bawat ahensiya, mga taumbayan ay hangad na maging mapayapa at matagumpay ang halalan.
Nagdaos din ang ahensya ng VCM demonstration sa mga pangunahing establisimento sa lungsod ng Cabanatuan bilang bahagi ng mock voting exercise upang maipakita sa mga mall goers ang wastong proseso ng pagboto mula sa tamang pag-shade ng balota, pagpasok ng balota sa VCM at pagkuha ng Voter Verified Paper Audit Trail.
Samantala, iaanunsiyo naman ng bawat election officer sa mga lokalidad ang pagdaraos ng final testing and sealing ng mga VCM bilang pagtitiyak na gumagana at nakahanda ang mga kagamitan para sa araw ng botohan.
Muling paalala ni Cot-om, nasa mamamayan ang kapangyarihang mamili ng mga ihahalal na opisyal kaya gamitin ng tama at araling mabuti kung kanino ipauubaya ang napakahalagang boto ngayong eleksiyon 2022. (PIA 3)