Pagbabakuna sa 5-11 anyos sa Bataan, nagsimula na
LUNGSOD NG BALANGA (PIA) — Sinimulan na ang pagbabakuna kontra COVID-19 ng mga bata edad 5 hanggang 11 sa lalawigan ng Bataan, 08 Pebrero 2022.
Ito ang kauna-unahan para sa naturang age group sa Gitnang Luzon na isinagawa sa Bataan General Hospital and Medical Center.
Ayon kay Department of Health o DOH Regional Director Corazon Flores, nasa 1.6 milyong batang may edad 5-11 ang target na mabakunahan sa buong rehiyon.
Sa numerong iyan, 111,000 ang mula sa Bataan.
Dagdag pa ni Flores, ang bakuna kontra Covid-19 ay mahalagang regalong maibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak upang kanilang ma-enjoy ang kanilang pagkabata at tuluyang makabalik ng ligtas sa mga paaralan.
Tiniyak naman ni DOH Undersecretary Roger Tong-an sa mga magulang na ang bakuna ay ligtas at dumaan sa matinding pag-aaral ng mga eksperto. (CLJD/CASB-PIA 3)
