Pagtatayo ng Balagtas station ng NSCR, nakumpleto na
BALAGTAS, Bulacan (PIA) – Pormal nang natapos ang konstruksyon ng dalawang palapag ng magiging Balagtas station ng North-South Commuter Railway o NSCR Project Phase 1.
Ayon kay Transportation Undersecretary Timothy John Batan, natamo ng kontratistang Hapon na Sumitomo Mitsui Corporation ang 100 porsyentong structural works completion sa itinayong istasyon.
Itinayo ito sa tabi ng dating Bigaa station ng noo’y Philippine National Railways o PNR North Line. Ang Bigaa ay dating pangalan ng ngayo’y bayan ng Balagtas sa Bulacan.
Sa ikalawang palapag matatagpuan ang platform kung saan maghihintay at sasakay ng tren ang mga pasahero. Nasa ibaba ng platform ang ilalatag na salubungang riles na dadaanan ng tren na galing sa Tutuban papuntang Malolos at pabalik.
Kalaunan ay dito rin dadaan ang mga tren na papuntang Clark International Airport mula sa Tutuban, Calamba at pabalik kapag fully operation na ang buong NSCR system.
Ang gusali ng istasyon ay may habang 190 metro na kasyang makapasok ang isang train set na may walo hanggang sampung bagon na magkakadugtong.
Sa unang palapag ng Balagtas station ilalagay ang mga commercial spaces na pauupahan ng PNR, ticketing facilities at iba pang pangunahing pasilidad gaya ng palikuran.
Samantala, iniusog ng Department of Transportation ang target na partial operation ng NSCR Phase 1 na dapat ay magsisimula sa Oktubre 2022 mula sa Balagtas station hanggang Bocaue station.
Sa huling pagbisita ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa Bulacan, ipinaliwanag niya na iniusog sa taong 2023 ang partial operation dahil bahagyang bumagal ang konstruksiyon. Ito’y dahil sa limitadong manggagawa bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa unang bahagi ng 2022. (CLJD/SFV-PIA 3)
PHOTO CAPTION:
Tapos na ang kabuuang istraktura ng magiging Balagtas station ng North-South Commuter Railway Project Phase 1. (Shane F. Velasco/PIA 3)