Nailagak na ang panandang pangkasaysayan sa 98 taong gulang na istraktura ng Aguas Potables ng Malolos. Ito ang dating tangke ng tubig ng noo’y National Waterworks and Sewerage System Authority na kalaunan ay napailalim sa City of Malolos Water District.
Ayon kay Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz, ito ay hakbang upang patuloy na maipreserba at magbunsod ng rehabilitasyon.
Ipinatayo ng pamahalaang kolonyal ng Amerika sa Pilipinas noong 1922 sa halagang 22,600 piso at natapos noong Marso 28, 1923.
Pinangalanan itong Mariano S. Tengco Water Works bilang parangal ng Consejo Municipal sa dating alkalde ng Malolos sa kanyang serbisyong pambayan.
Matatagpuan ito sa bukana ng pamilihang lungsod ng Malolos at sa gilid ng Chancery na siyang tanggapan at tirahan ng Obispo ng Diosesis ng Malolos na nasa bakuran ng Katedral-Basilica ng Immaculada Concepcion.
Katapat naman nito ang monumento ni Heneral Isidoro Torres, na naging alcalde mayor ng Bulacan na katumbas ng posisyong gobernador sa ating panahon.
May taas itong 24.4 metro o 80 talampakan na katumbas ng pitong palapag na gusali.
Ipinaliwanag naman ni Mayor Gilbert Gatchalian na bahagi ang Aguas Potables de Malolos ng tinatawag na Malolos Historic Town Center na idineklara ng National Historical Commission of the Philippines bilang isang national historical landmark.
Para kay Roly Marcelino, city tourism officer ng Malolos, malaking bagay ang pagkakalagay ng panandang pangkasaysayan upang matiyak na hindi ito maipapagiba.
Taong 2015 nang magkaroon ng plano na ipagiba ito dahil sa kahinaan na ng tumatagilid na istraktura ng Aguas Potables.
Napigil ito ng National Museum of the Philippines at mga grupong may adhikain na ipreserba ito dahil aabot na sa 100 taong gulang ang Aguas Potables pagsapit ng taong 2023.
Kwalipikado aniya na maisama ito bilang isang Important Cultural Property sang-ayon sa Republic Act 10066 o ang National Cultural Heritage Act.
Kaugnay nito, sa pagtataya ng pamahalaang lungsod ng Malolos ay aabot sa 7.5 milyong piso ang kailangan upang mapasimulan ang preserbasyon at rehabilitasyon.
Partikular na isinusulong ang konseptong adaptive reuse gaya ng pagiging isang aklatan, museo at observation deck ang rooftop.
Samantala, suportado ni Gobernador Daniel Fernando na maisakatuparan ang preserbasyon at rehabilitasyon.
Direktang matutulungan aniya nito na maibangon ang turismo at lalong maipalaganap ang mayamang kasaysayan, sining at kultura ng Bulacan.
Kaya naman ang paglalagak ng nasabing panandang pangkasaysayan ay itinaon sa pagdiriwang ng Singkaban Festival 2021. (PIA 3)