Search
Close this search box.
Search
Close this search box.

PBBM sinaksihan ang kahandaan, kapabilidad ng Philippine Navy

Bisitang pandangal si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa capability demonstration ng Hukbong Dagat ng Pilipinas na ginanap sa San Antonio, Zambales kamakailan.

Sa mensahe ng Pangulo, binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Navy (PN) upang tugunan ang anumang uri ng banta sa seguridad na maaaring kaharapin ng bansa sa kabila ng tensyon sa rehiyon.

Ito aniya ang pangunahing rason ng pagsusumikap ng pamahalaang nasyonal sa pagpapalakas ng kapasidad at kakayahan ng AFP.

Kabilang na rito ang pagkakaroon ng Mistral 3 na kauna-unahang surface-to-air missile (SAM) system ng bansa at iba pang mga kagamitang pandigma na may pakinabang sa pagbabantay seguridad ng Pilipinas.

Dagdag rin ng Pangulo na patuloy magsasagawa ng mga naval exercises kasabay ng mga ipinatutupad na proyekto ng pamahalaan sa ilalim ng PN.

Ang Mistral 3 SAM ay mahalagang armas sa pagpapalakas ng depensa ng hukbo na kayang tumarget ng mga kalabang gumagamit ng drone, eroplano, at missile.

Sa isinagawang demonstrasyon ipinakita ang Bullfighter chaff decoy ng BRP Antonio Luna.

Ayon kay PN Flag Officer-in-Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr. na nananatiling matatag ang hukbo at patuloy na pinalalawak ang kakayahang rumesponde sa mga pangangailangang seguridad ng bansa.

Layunin ng isinagawang capability demonstration na maipakita ang nadagdag na kakayahan ng hanay sa air defense, electronic warfare at vessel survivability na mahalaga sa pagbabantay kaayusan sa mga nasasakupang karagatan ng Pilipinas.

Ang mga bagong kagamitan aniya ng hukbo ay hindi lamang sumasalamin sa kahandaang ipagtanggol ang maritime domain ng Pilipinas kundi pagpapakita rin ng mas lumawak na pwersa ng PN, na resulta ng mga natatanggap na suporta mula sa pamahalaang nasyonal gayundin ang dedikasyon ng bawat opisyales at personnel.

Kaugnay nito ay ipinaabot ni Adaci ang pasasalamat sa Pangulo sa patuloy na pagsuporta sa buong hanay at pagkilala sa mahalagang papel ng PN sa pagtatanggol at pag-unlad ng Pilipinas. (PIA 3)(PBBM FB Page)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *