Search
Close this search box.
Search
Close this search box.

Pinatatag na tulay ng Bigaa, Meycauayan sa NLEX nadadaanan na

Bukas na sa daloy ng trapiko ang lahat ng mga linya ng mga tulay ng Bigaa sa Balagtas at sa Meycauayan sa magkabilang panig ng North Luzon Expressway o NLEX.

Nadadaanan na muli ang tig-apat na linyang mga tulay ng Bigaa sa Balagtas at Meycauayan sa magkabilang panig ng North Luzon Expressway. (PIA 3)

Ito’y matapos ang isinagawang retrofitting o pagpapatatag sa orihinal na mga istraktura nito na taong 1965 pa naitayo.

Ayon kay NLEX Corporation Vice President for Communication Romulo Quimbo, bahagi ang proyekto ng mga serye ng pagpapatatag at pagpapatibay ng matatandang istraktura sa NLEX partikular na ang mga tulay.

Layunin nito na matiyak ang katatagan ng mga tulay sakaling tumama ang isang 7.2 magnitude na lindol. Tumagal ng mga anim na buwan ang naturang retrofitting sa dalawang tulay.

Pinalitan ang slab o ang ibabaw ng nilalatagan ng kalsada sa tig-apat na linya ng tulay. Isinaayos din ang mga bahagi ng konkreto na nakikitaan ng pagkaagnas.

Gayundin ang mga concrete enforcement upang lalong mapatatag ang mga pundasyon.

Ang ibabaw ng bagong slab ay binuhusan ng bagong kongkretong semento at nilatagan ng bagong aspalto.

May halagang 25 milyong piso ang ginugol para tulay ng Bigaa habang nasa 30 milyong piso naman ang sa tulay ng Meycauayan.

Bahagi ang nasabing mga tulay ng may pinakamataas na volume ng trapiko sa NLEX dahil malapit na ito sa Metro Manila.

Samantala, nauna nang isinailalim sa retrofitting ang mga tulay na tumatawid sa mga interchanges ng Meycauayan, Marilao, Bocaue, Sta. Rita at San Simon habang nakumpleto na rin ang retrofitting ng link slab o dugtungan ng limang kilometrong southbound lane ng Candaba viaduct. (PIA 3)

Tags

Share this post:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *