Nagsagawa ng kauna-unahang Agri-Aqua Market Day ang Poverty Reduction Livelihood and Employment Cluster o PRLEC ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa bayan ng Norzagaray sa Bulacan.
Naging tampok dito ang mga produkto ng mga katutubong Dumagat mula sa sitio Sapang Munti, sitio Ipo Dam at sitio Anginan Pako Santol sa barangay San Mateo.
Kabilang na diyan ang mga gulay gaya talong, okra, sitaw, talbos ng ampalaya, gabi; isda; manok; bibe; kuneho; at iba’t ibang klase ng halaman.
Ayon kay Technical Education Skills and Development Authority o TESDA Regional Director at PRLEC Head Balmyrson Valdez, target nila na magkaroon ng market day dalawang beses kada buwan.
Kasabay nito, idinaos ang pagbibigay ng TESDA ng achievement certificate sa may 22 kabataang Dumagat na nagtapos sa Heavy Equipment Operator NC II.
Tumanggap din ang mga Dumagat ng 100 sako ng abono mula sa Department of Agriculture na siyang gagamitin upang mas lalong umunlad ang produksyon ng aning gulay. (PIA 3)