Nitong nakaraang Lunes, April 25, mainit na tinanggap ng mga taga suporta ang presidential aspirant na si Vice President Leni Robredo at ang kanyang katandem na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Gapan City, Nueva Ecija para sa “Anehan Na Naman!: Nueva Ecija Miting de Avance” kung saan mga magsasaka at iba pang kinatawan ng sektor ang sumama sa tandem sa entablado para itaas ang kanilang mga kamay bilang tanda ng suporta sa halalan sa May 9.
Sa kanyang talumpati binansagan ni Robredo bilang “fake news” ang sinasabi ng kanyang mga kritiko na pinapaboran niya ang elite. Binibigyang-diin ni Robredo ang kanyang “simpleng” pamumuhay at mga proyekto ng kanyang opisina na karamihan ay mga mahihirap ang nakikinabang.
Para kay Robredo, walang basehan ang pagsabi na elitista siya. Hindi na niya pinangalanan ang mga nag-aakiusa sa kanya ng pagiging elitista.
Binanggit ni Robredo ang ilan sa mga pro-poor projects ng kanyang tanggapan sa Nueva Ecija, kabilang ang tulong pinansyal at medikal para sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa Cabanatuan at Talavera General Hospital, kung saan nagbaba ang opisina niya ng pondo para sa medical assistance para sa mga kababayang kulang ang pambayad sa ospital.
Sa pagtatapos ng rally, itinaas ng mga pari at ordinaryong manggagawa ang kamay ni Robredo at ng kanyang running mate na si Sen. Kiko Pangilinan.
Dumalo rin si Robredo sa isang multi-sectoral gathering sa Cabanatuan City, at dito idiniin niya ang pagbibigay priyoridad sa maritime industry. Ani Robredo, plano niyang i-upgrade ang mga pagsasanay ng mga Filipino seafarers para maging kuwalipikado sila sa mas mataas na sahod.
Samantala, nitong nakaraang Martes, April 26, isang maliit na isla at ilang bayan sa Mindoro ang sinadya ni presidential candidate Leni Robredo sa kanyang pangangampanya. Para kay Robredo, walang maliit o malaking isla, lugar o people’s rally. Dito ipinangako naman niya ang patuloy na suporta sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang sektor.