Tulad ng mga dinadaluhang People’s Rally ni presidential candidate Vice President Leni Robredo sa kaniyang pangangampanya sa iba’t-ibang lugar sa bansa, karamihan sa daan-daang mga taga-suportang nag-abang sa kaniya sa Bislig City Cultural and Sports Center sa probinsya ng Surigao del Sur ngayong Martes ng umaga, ika-8 ng Marso, ay mga kabataan.
Baon nila ang mga nakakatuwang placards na karaniwa’y mensahe para kay Robredo o kaya’y pangalan ng kanilang grupo. At gaya ng nakagawian, binasa ni Robredo ang mga ito, tulad ng: “Manifesting Leni sunbaenim”; “First time voters for Leni”; “Dili mi bayaran, periodt”; “Gobyernong tapat, glow up lahat”; “Anak ng BBM supporter for Leni”; “Nagpaa over nagbulsa”; at marami pang iba.
Kuwento ni Robredo, ikalawang beses pa lang ito ng kaniyang pagbisita sa Bislig City at aminadong hindi niya alam kung anong klaseng pagtanggap ang kaniyang aasahan. Pero napakasarap, aniya, sa pakiramdam ang init ng suportang ipinakita sa kaniya, lalo na ng mga kabataang nagpapaalala sa kaniya ng EDSA Revolution.
“Noong pa-graduate na po ako ng college, 1986 ‘yun, iyon ‘yung panahon ng People Power Revolution. Noong mga taon bago mag-People Power Revolution, ganito din ‘yung nakikita natin—mga kabataan na nagdedesisyon na nasa kamay nila ang kapangyarihan at nasa kamay nila ‘yung paghingi ng pagbabago sa pamamahala dito sa atin,” sabi ni Robredo.
“Kaya ngayon po, every time na nakikita ko ‘yung mga bata katulad niyo na sobrang sigasig, nabibigyan kami ng pag-asa.”
Ang hiling niya sa mga kabataan sa huling 62 na araw bago mag-eleksyon: “‘Yung sigasig ba na pinapakita niyo ngayon, hanggang eleksyon kaya ang sigasig na ito?”
Binalikan ni Robredo ang simula ng kinakaharap niyang kaliwa’t-kanang pambabatikos bunsod ng propaganda, disinformation at fake news na mula pa noong 2016 nang manalo siya bilang Bise Presidente sa halalan.
Ayon kay Robredo, sa kabila ng mga pambabatikos at fake news ay patuloy syang nagtrabaho para matugunan ang mga problemang kinakaharap ng mga Pilipino.
Kahit napakaliit ng budget ng kaniyang tanggapan, sinimulan ni Robredo noong 2016 ang Angat Buhay program, kung saan karamihan ng mga proyekto para iangat ang kalidad ng pamumuhay ng mga nasa laylayan ay ginawa sa Mindanao, kabilang ang 107 na proyekto sa Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Palagi ring may team ang Office of the Vice President (OVP) sa Mindanao para tugunan ang mga nasalanta ng mga sakuna gaya ng bagyo at lindol. Sa katunayan, nakatatlong balik si Robredo sa Surigao del Norte at Siargao Island mula Disyembre 2021 para magbigay ng relief assistance at Shelter Repair Kits sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
Sinabi rin ni Robredo na hindi lang puro pangako o lista sa tubig ang pagtugon niya sa mga nanganggailangan. Lahat ito ay may resibo: ang mga konkretong tulong sa mga Pilipino.
Samantala, kabilang sa mga bibisitahin ni Robredo ngayong Martes ang multi-sectoral assembly sa Tandag City sa Surigao del Sur, at Surigao City sa Surigao del Norte kung saan gugunitain niya ang 2022 National Women’s Month at dadalo pagkatapos sa isa pang People’s Rally.
Sa Miyerkules, ika-9 ng Marso, pupunta si Robredo sa komunidad sa Brgy. Danawan sa Surigao del Norte, na benepisyaryo ng Angat Buhay Sustainable Livelihood Training (AB SLT) ng OVP. Kasunod niyan ang iba’t-ibang pagdalaw sa mga volunteers, multi-sectoral representatives at mga taga-suporta sa probinsya ng Agusan del Norte at Agusan del Sur. (VP Leni Media Bureau)