May mga bagong kinatawan sa Kamara ang lalawigan ng Zambales sa papasok na ika-19 na Kongreso.
Naiproklama si outgoing Vice Governor Jefferson Jay Khonghun bilang kinatawan ng unang distrito na binubuo ng lungsod ng Olongapo at mga bayan ng Subic, Castillejos, at San Marcelino.
Sa isang pahayag, nagpasalamat si Khonghun sa pagtitiwala ng kanyang mga ka-distrito.
Nagwagi naman si outgoing Botolan Mayor Doris “Bing” Maniquiz bilang kinatawan ng ikalawang distrito na binubuo ng mga bayan ng San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabangan, Botolan, Iba, Palauig, Masinloc, Candelaria, at Sta Cruz.
Taos-pusong nagpasalamat si Maniquiz sa Diyos at kanyang mga ka-distrito sapagkat binigyan siya ng pagkakataon na sila ay mapaglingkuran.
Samantala, muling nahalal bilang Gobernador si Hermogenes Ebdane Jr. habang magsisilbi bilang bagong Bise Gobernador si Jaq Khonghun.
Nagpasalamat si Ebdane sa kanyang mga taga-suporta dahil hindi siya pinabayaan sa naganap na Halalan.
Tiniyak niya na magiging tuloy-tuloy ang mga programa para sa mga Zambaleño.
Makaaasa rin ang lahat na ang kanyang gagawin ay hindi lamang para sa lahat kundi para sa mga anak ng kanilang anak. (PIA 3)