Mas magiging mabilis ang pagtulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga nasalanta ng bagyong Carina at agad na maikakasa ang kailangang rehabilitasyon sa pagkakapailalim sa Bulacan sa State of Calamity.
Iyan ang binigyang diin ni Gobernador Daniel Fernando sa idinaos na pulong ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
Pangunahing batayan ng deklarasyon ang malalaking pinsala na iniulat ng iba’t ibang tanggapan ng Kapitolyo na kaagapay ang mga ahensiya ng pamahalaang nasyonal.
Sa inisyal na ulat ni Provincial Engineering Office Head Glenn Reyes, aabot na sa P789 milyon ang pinsala sa imprastraktura sa iba’t ibang panig ng Bulacan.
Ayon naman kay Provincial Agriculture Office Head Gloria Carillo, may inisyal na P25 milyon ang naitatalang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Una sa listahan ng mga pinaka nasalanta sa sektor na ito ang 92.3 ektaryang gulayan ng nasa 349 na maggugulay.
Umaabot na sa P13.7 milyon ang halaga ng mga nasira na mga gulay o low-land vegetable.
Nalubog naman sa mataas na pagbaha ang 1,106 na ektaryang palayan ng 829 na mga magsasaka na may halagang P5.2 milyon.
May 3.5 ektaryang maisan din ng 14 na mga magmamais ang napinsala na umaabot sa P135,000 habang 125 ektarya ng mga palaisdaan sa Bulacan ang natapon ang mga alagang pinalalaki na mga isda na nagkakahalaga ng P5.7 milyon.
Apektado rito ang nasa 106 na mga fishpond operators.
Bukod sa mas mabilis na pagtugon at pagsasagawa ng rehabilitasyon, ang deklarasyon ng State of Calamity ay pagbibigay din ng pahintulot sa pamahalaang panlalawigan na magamit ang Quick Response Fund na bahagi ng Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM) Fund.
Base sa public disclosure na inilabas ni Provincial Accounting Office Head Marites Friginal, may halagang P408.3 milyon pa ang LDRRM Fund ng Bulacan ngayong first quarter.
Sa loob ng nasabing halaga, P101.3 milyon ang Quick Response Fund at P208.9 milyon ang mitigation fund.
Kaugnay nito, iniulat din ni Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena Tiongson na may 20,000 mga family food packs ang naipadala na ng Kapitolyo mula sa stocks.
Kasalukuyang namang nagaganap ang repacking nasa nasa mahigit 150,000 pang mga family food packs sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos.
Aabot naman sa 100,000 family food packs ang inilaan ng Department of Social Welfare and Development para sa Bulacan kung saan 10,000 rito ay ipinadala na sa lalawigan.
Iba pa rito ang 1,500 na food packs at 1,500 na non-food packs mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Sinabi pa ni Tiongson na matitiyak ng pagtutulung-tulong na ito na masuplayan ng family food packs ang nasa 5,599 na pamilya o 21, 504 na mga indibidwal pinaka naapektuhan ng bagyong Carina.
Para naman sa kapakanan ng mga mamimili, nagpaalala si Department of Trade and Industry OIC-Provincial Director Cristy Valenzuela na kalakip ng pagdedeklara ng State of Calamity sa lalawigan ang pagpapatupad ng price freeze.
Ito ay sang-ayon sa Republic Act 7581 o The Price Act. (PIA Region 3-Bulacan)