Isang babae ang inimbitahan ng Tarlac City Police Station matapos itong mamataan na umiikot sa RUA Market at nangangalap ng mga pangalan, tirahan, contact number, at lagda ng mga manininda.
Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi ng babae na siya ay inatasan ng isang kasamahan na mangolekta ng pirma sa paniniwalang ito ay para sa mga benepisyaryo ng mga programang AKAP at AICS. Subalit kalaunan ay napag-alamang ang mga pinapirmahan ay isang “manifesto ng suporta” para sa isang indibidwal at hindi konektado sa anumang opisyal na programa ng Pamahalaang Lungsod ng Tarlac.
Pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang publiko na tanging mga awtorisadong kinatawan lamang ng city government ang dapat lapitan kaugnay ng mga ayuda at programa. Hinihikayat din ang lahat na maging maingat sa pagbibigay ng personal na impormasyon at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.








