Kumikilos na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga upang mamagitan sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng Porac LGU at mga lokal na hauler ng buhangin at graba, matapos pansamantalang itigil ng humigit-kumulang 40 quarry operators at 850 haulers ang kanilang operasyon simula Biyernes ng gabi.
Ang tigil-operasyon ay bunsod ng bagong iskema ng ecological tax ng Porac, na itinaas mula ₱100 kada truck patungong ₱100 kada 12-cubic-meter load, na lalong nakaapekto sa mas malalaking truck gaya ng 16- at 18-wheeler.
Ayon kay Engr. Romeo Dungca Jr., Over-All Head ng Quarry Operations sa KALAM, wala pang pormal na abiso sa Kapitolyo hinggil sa bagong singil. Nanatili pa rin ang umiiral na 40-30-30 na hatian ng buhangin sa barangay, bayan/lungsod, at probinsya, kung saan nangongolekta ang probinsya ng ₱250 administrative fee, ₱150 sand tax, at ₱30 weighing scale fee kada load.




Ipinahayag ng Porac Quarry Association na nais nilang dalhin sa tamang proseso ang kanilang hinaing habang nagpapatuloy ang pansamantalang work stoppage, na maaaring tumagal ng hanggang dalawang linggo. Hinimok naman ni Engr. Dungca ang grupo na idulog ang kanilang mga puna sa Sangguniang Panlalawigan upang makahanap ng makatarungan at kapaki-pakinabang na solusyon.
Tinatayang maaantala ang mahigit ₱40 milyon sa kita ng probinsya, na nakalaan para sa mga programang pangkalusugan at serbisyo nina Gobernador Lilia “Nanay” Pineda at Bise Gobernador Dennis “Delta” Pineda. Ang buhangin mula Porac ay kabilang sa pinakamahuhusay sa Timog-silangang Asya, at ayon sa datos ng Office of the Provincial Treasurer, lumampas na sa ₱5 bilyon ang naitalang quarry revenues ng probinsya mula 2019 hanggang 2025. Nakahanda ang Kapitolyo at hinihintay ang opisyal na paliwanag ng LGU Porac upang maipagpatuloy ang maayos na usapan at agarang maresolba ang isyu.
📸:Pampanga PIO | Daniel Ombina












