Mas naging makahulugan ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso matapos opisyal na mag-isang dibdib ang limampung (50) pares ng mga Mabalaqueño sa ginanap na Kasalang Bayan ngayong Valentine’s Day sa Mabalacat City.
Pinangunahan ang seremonya ni Mayor Geld Aquino, na nagsilbing saksi sa sabayang sumpaan ng pagmamahalan ng bawat magkabiyak. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng alkalde na layunin ng programa na hindi lamang makapagbigay ng libreng seremonya, kundi mapalakas din ang pundasyon ng bawat pamilyang Mabalaqueño sa pamamagitan ng legal na pagsasama.





















Naging saksi rin sa pag-iisang dibdib si Vice Mayor Jun Castro, na nagbigay ng mahalagang mensahe sa mga bagong kasal, kasama ang mga Konsehal na sina Marjorie Sambo, Liza Pineda, Benny Jocson, at Patricia Acorda, gayundin sina Board Members Cherry Manalo at Christian Halili.

Ayon sa Mabalacat City Government, mahalagang hakbang ang pagkakaroon ng legal na kasal upang masiguro ang mas panatag na kinabukasan ng mag-asawa at ng kanilang mga anak, kabilang ang mga benepisyong legal at panlipunan.
Puno ng saya at pag-ibig ang seremonya habang sabay-sabay na binigkas ng 50 pares ang kanilang mga panata sa harap ng kanilang pamilya at mga kaibigan.
Bilang handog ng lokal na pamahalaan, tumanggap ang mga bagong kasal ng mga singsing, cake, wine, pagkain, bulaklak, at photo frame bilang bahagi ng selebrasyon.










